TUMAAS sa 42 porsiyento ang arawang bagong kaso ng COVID-19 sa nakalipas na linggo ayon sa Department of Health (DOH).
Sinabi ng DOH na katumbas ng porsiyentong ito ang 637 na bagong infection kada araw sa buong bansa.
Iniulat din ng independent monitoring group na OCTA Research na tumaas sa 17.2 porsiyento ang COVID-19 positivity rate sa National Capital Region sa nakalipas na isang linggo.
Sinabi ni OCTA fellow Dr. Guido David na inaasahan ng OCTA na mas dumami pa ang kaso ng coronavirus dahil sa kasalukuyang bilang nito at maaari din aniya itong maging mataas na COVID-19 wave.
Gayunman, nilinaw ni David na hindi ito magiging kasing sama ng Omicron wave noong January 2022 at Delta wave pagdating sa hospitalization.