Kinaroroonan nina Bantag at Zulueta, hindi pa rin matukoy ng pulisya

Kinaroroonan nina Bantag at Zulueta, hindi pa rin matukoy ng pulisya

HINDI pa rin natutukoy ang kinaroroonan nina dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at ang opisyal na si Ricardo Zulueta.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), wala pa ring bakas kung saan nagtatago ang dalawang akusado para isilbi ang warrant of arrest.

Nauna nang itinuring ang dalawa na mga pugante matapos na hindi na ito makita at matunton ang kinaroroonan nito kasunod ng inilabas na warrant of arrest ng korte sa Muntinlupa City at Las Piñas City dahil sa pagpatay sa radio broadcaster na si Percy Lapid at sa testigong si Jun Villamor.

Ayon kay PNP Public Information Office chief Police Colonel Redrico Maranan, hinahanap ng tracker team ang kinaroroonan nina Bantag at Zulueta.

“Tuluy-tuloy pa rin po ang ating paghahanap,..Upang maiserve po yung warrant of arrest,” ayon kay PNP PIO Chief Police Colonel Redrico Maranan.

Tiniyak ng pulisya na gumagawa sila ng paraan upang maisilbi kina Bantag at Zulueta ang warrant of arrest sa kinakaharap nilang reklamo.

Napag alaman na mula Metro Manila hanggang Mindanao ay sinusuyod na ng mga awtoridad sina Bantag at Zulueta para papanagutin ang dalawa sa mga kinakaharap nitong kaso.

Nauna nang nabatid ang diumano’y nakatakdang pagsuko ni Bantag sa poder ni Justice Secretary Jesus Boying Remulla bago ito ikulong sa PNP custodial center sa Camp Crame.

Sa kasamaang palad, hindi pa rin mahagilap ang lugar kung saan nagtatago ang mga akusado.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter