NAGPALABAS ang korte ng hold departure order (HDO) laban kina former
Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at Ricardo Zulueta gaya ng hiniling ng Department of Justice (DOJ).
Hindi na maaaring makalabas ng bansa sina Bantag at Zulueta.
Ito’y pagkaraang lumabas ang HDO mula sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) laban sa dalawa.
Ang issuance ng HDO para kina Bantag at Zulueta ay una nang hiniling ng State Prosecutors para mapigilan ang paglabas sa Pilipinas ng mga ito kasunod ng naisampang kasong murder sa kanila at ang warrant of arrest na lumalabas sa hukuman.
Ang HDO ay pirmado ni Judge Gener Ditto.
Samantala, una nang sinabi ng DOJ na handa silang irekomenda sa Camp Crame na ikulong si Bantag para sa kaniyang proteksiyon sakaling tuluyan na itong susuko.
Matatandaan na si Bantag at Zulueta ay nahaharap sa dalawang kasong murder dahil umano sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid noong October 3 at middleman na si Jun Villamor noong October 18.
Mayroon na ring warrant of arrest ang mga ito na inisyu ng Muntinlupa at Las Piñas RTC.
Ayon sa dalawang korte, walang bail ang kasong murder.