ITINUTULAK ng Commission on Elections (COMELEC) na bago na ang makinarya na gagamitin nila para sa 2025 elections.
Matapos ang ginawang special en banc, inanunsiyo ngayon ng COMELEC na meron na silang napiling makina na nais nila para sa 2025 automated election.
Sa media briefing, sinabi COMELEC chairman George Garcia, upgraded optical mark reader paper based automated election system with direct recording electronic capabilities ang gusto nilang gamitin para sa 2025.
Pero nilinaw ni Garcia na para sa partikular na halalan, isang sistema lang ang kanilang gagamitin at idi-disable ang isa.
Ang Optical Mark Readers (OMR) na siyang sistemang ginagamit ngayon ay gagamitin para sa national and local elections, habang ang Direct Recording Election naman ay para sa overseas voting at special elections.
Ang bagong makina na gusto ng COMELEC ay mayroon dapat 12 inches screen.
Ang ballot scanning speed nito dapat ay 12 millimeters per second.
Apela ng COMELEC, sana ay maaprubahan ang kakailangan nilang pondo para dito bagamat wala pa silang maibigay na estimated cost para sa bagong makinarya.
“Sana matignan po nang mabuti yung kagandahan po ng proposal na mai-set aside na namin yung mga lumang makina at maka-procure, makapag-lease ng bagong machine… Take note po, lease lang naman po ito. Hindi pa naman kami bibili,” saad ni George Erwin Garcia, Chaiperson, COMELEC.
Ayon sa COMELEC, magsasagawa pa sila ng market survey para sa mga bagong makinarya pero meron na umano silang nakitang willing manufacturer.
Pero pangamba ng komisyon na kung hindi sila makakuha ng budget para dito, mapipilitan silang gamitin ang nasa 98,000 na mga lumang VCMs.
“Ang pinaka worst case scenario ay hindi kami mabigyan ng budget for 2025,” dagdag ni Garcia.
Ayon sa komisyon, inaasahan nilang aakyat sa 71M ang bilang ng mga botante para sa susunod na eleksiyon.