SINIMULAN na ang pag-iikot ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para makilahok sa isinagawang pre-SONA Caravan na sinimulan sa Las Piñas City, Miyerkules Mayo 10, para sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Kabilang sa mga ahensiyang lumahok sa pre-SONA Caravan ay ang Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), PhilHealth, Metro Manila Center for Health Development (MCHD), Philippine National Police (PNP), Las Piñas LGU, at iba pa.
Inihayag ng Philippine Information Agency (PIA) na hindi lamang sa Las Piñas kundi sa buong Pilipinas ang gagawin nilang pag-iikot para maipaliwanag sa buong mamamayan ng bansa ang iba’t ibang programang naitatag at gagawin pa sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Ito’y dahil sa iba’t ibang fake news ang kumakalat laban kay Pangulong Marcos.
Sa pamamagitan ng pre-SONA Caravan na may temang “Nagkakaisang Bumangon”, layunin ng mga ahensiya na maipaliwanag at ilahad ang mga nagawa ng Pangulong Marcos.
Kabilang din sa mga ibinidang programa ng administrasyong Marcos at pagiging kalihim nito sa Department of Agriculture (DA) ay ang Kadiwa ng Pangulo; Ang pagpapalakas ng food for all; Pambansang Pabahay Para sa mga Pilipino (4PH) Housing Project program, pagpapalakas ng turismo sa bansa; Humane and Just Society o pagpapatibay ng hustisya sa Pilipinas; Patuloy na paglulunsad ng mga trabaho; Ang SIM card registration; Edukasyon at marami pang iba.
Ibinida rin dito ang pagtaas ng Gross Domestic Product (GDP) sa bansa noong ikaapat na quarter ng taong 2022, matapos padapain noong kasagsagan ng pandemya.
Iniisa-isa rin ng DOH ang iba’t ibang programa ng kagawaran at kanilang serbisyo sa mga mamamayang Pilipino gaya ng Universal Health Care.
Maging ang DSWD ay ibinida rin ang mga programa nito lalo na sa mga mahihirap gaya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4PH).
Bukod sa mga ginawang paglalahad ng mga programa ay naghatid din ng iba’t ibang serbisyo ang mga naturang ahensiya sa mga mamamayan sa Las Piñas.