IPINANAWAGAN ngayon sa pamahalaan ang pagbuo ng isang National Soil Health Strategy para sa mas mataas na crop production sa bansa.
Sa isang privilege speech kamakailan ay ipinaliwanag ni Agusan del Sur Rep. Eddie Bong Plaza ang sanhi kung bakit mahina ang ani ng mga taniman sa bansa.
Ayon sa mambabatas, masyado nang acidic ang mga lupang taniman.
At palala na nang palala ang nararanasang soil crisis sa Pilipinas.
“Philippine soil is facing its own crisis. Soil acidification is sucking our soil nutrients dry. Rice and crops productivity rate is falling sharply every cropping season. Soil acidification is a result of excessive Nitrogen application because farmers do not know how much and what type of fertilizer they should apply,’ pahayag ni Rep. Eddie Bong Plaza, 2nd District, Agusan del Sur.
Ani Plaza, tatlo ang pangunahing dahilan kung bakit may krisis sa lupa sa bansa.
Una, walang alam ang mga magsasaka sa soil information.
Pangalawa, hindi sikat ang soil science sa mga magsasaka.
At pangatlo, walang soil map ang pamahalaan bilang gabay sa tamang fertilization.
Pinuna naman ni Plaza ang isang memorandum ng Department of Agriculture para sa balance fertilization sa mga taniman gamit ang biofertilizer.
Ani Plaza, walang patutunguhan ang plano hangga’t hindi ito ginagamitan ng soil science.
Bilang solusyon, dapat Soil Test-Based Fertilization Program aniya ang gamitin ng pamahalaan.
Sa ilalim nito, idadaan muna sa testing ang lupang pagtataniman para malaman ang tamang dami at angkop na gagamiting fertilizer.
“Selecting the best fertilizer. Our farmers should be empowered to know that not all fertilizers can be applied or suitable to their farms,” dagdag ni Plaza.
Ani Plaza, ginagawa na nila ito sa Agusan del Sur at maganda ang naging resulta.
Nanawagan naman ang mambabatas na lumikha ang pamahalaan ng National Soil Health Strategy para mahinto ang blind fertilization.
Magsasagawa naman sila Plaza ng kauna-unahang Philippine National Soil Health Summit ngayong June 21-22 para maipaliwanag ang kagandahan ng soil testing.
Dadaluhan ito ng foreign soil stakeholders gaya ng mga taga Australian Center of International Agricultural Research.
Imbitado nila sa event si Agriculture Secretary at Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. bilang pakikiisa sa mithiin ng administrasyon na makamit ang food sufficiency.
“The Department of Agriculture has invited Provincial Governors and Provincial Agriculturists to this event. I humbly ask all of you, my dear colleagues, especially those from our agricultural districts, to attend and participate in the summit,’ ani Plaza.