ISANG manpower agency sa Makati City ang inisyuhan ng notice of violation matapos hindi umano naghulog ng mahigit P9-M na Social Security System (SSS) contribution ng kanilang mga empleyado.
Nagsagawa ang SSS Makati Guadalupe Branch ng Run After Contribution Evaders kung saan 10 kompanya ang naisyuhan ng notice of violation dahil sa hindi paghulog ng SSS contribution ng kanilang mga empleyado.
Dala ang notice of violation sinuyod ng mga tauhan ng SSS ang isang manpower agency sa Makati nitong Martes ng umaga.
Pinagpapaliwanag ang naturang kompanya na ayon sa SSS ay hindi tumatalima sa pagbabayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado.
Ang halaga ng hindi nahuhulog na kontribusyon ng kompanya ay umabot umano sa higit P9-M.
“Ang kaniyang basic principal na hindi niya naibayad mga 8.5 million. So iyan ay nagkaroon na ng delinquency na around P600,000,” saad ni Atty. Voltaire Agas, Executive Vice President, SSS – Branch Operations Sector.
Pero iginiit ng kompanya na tumatalima sila sa pagbibigay ng SSS contribution ng kanilang mga empleyado.
Anila, nagkamali lamang sila sa pagdeklara ng date of coverage o ang buwan at taon kung kailan unang naiulat bilang active SSS member ang kanilang mga empleyado.
“Paid naman po yun sir. Nagkamali lang po kami nung date of coverage lang po. Bale tuluy-tuloy naman po yung hulog sa mga employee namin,” ayon kay Jessalyn Garbilao, HR Assistant.
“Nakakaavail naman po ng benefits yung mga staff namin. Yung SSS sickness, SSS maternity at SSS loan,” dagdag ni Garbilao.
“Kung kiniclaim po talaga nila na there should be an adjustment sa date of coverage nila ay hihingian po namin sila ng proof na talagang during that time wala silang operation. Yung date of coverage is determined sa R1 ng registration nila at tsaka name ng employees na niregister nila during that time,” pahayag ni Aileen Perucho, Acting Head, SSS Makati-Guadalupe Branch.
“Pag napatunayan naman po at kailangan talagang may change of date of coverage irereassessed po ulit sila,” wika ni Aileen Perucho, Acting Head, SSS Makati-Guadalupe Branch.
Isa ang manpower agency sa 10 employer na binigyan ng notice of violation sa isinagawang “Run After Contribution Evaders” nitong Martes.
SSS, nagbabalang kakasuhan ang mga employer na hindi nagbabayad ng SSS contribution
Nagbabala ang SSS na kakasuhan ang mga employer na hindi tatalima sa paghuhulog ng SSS contribution matapos ang 15 araw simula nang matanggap ang notice.
“’Yung employer ay maaaring maharap sa isang tinatawag nating kaso. Pag iyan ay kinasuhan natin sa court iyan. Pwede siyang makulong. Mahatulan ng isang taon at isang araw na pagkakakulong hanggang labingdalawa at pababayaran pa sa kaniya ang delinquency na ito,” ani Atty. Voltaire Agas, Executive Vice President, SSS – Branch Operations Sector.
Dagdag ng SSS na naiintindihan nila ang sitwasyon ng mga employer.
Pero kaakibat naman ng hindi paghulog ay ang benepisyong posibleng hindi matanggap ng kanilang mga empleyado.
Sa huli, hinimok ng SSS ang mga employer na makipag-ugnayan sa kanila at mag-avail ng programa ng SSS na makatutulong na maayos ang kanilang ‘delinquencies.’