MAS paiigtingin pa ng 39th Infantry Battalion ang kanilang border security upang hindi na makabalik pa ang mga teroristang grupong New People’s Army (NPA) sa Davao Region.
Ayon kay 39th IB commander Lt. Col. Ezra Balagtey, sinabi nito na maliban sa kanilang ginagawang pagpatrolya sa border ng Region 12 at Davao Region, patuloy ang paghahatid nila ng serbisyo sa mga komunidad sa pamamagitan ng tulong mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Ayon kay Balagtey na mas paiigtingin pa nila ang pagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan ng komunidad lalo na sa mga liblib na barangay upang hindi na maabuso pa ng mga terorista at mahikayat ang mga ito na mag-aklas laban sa gobyerno.
Malaki ang paniniwala ng opisyal na mapananatili ang insurgency-free status ng Davao del Sur kapag lahat ng sektor ay magtutulungan para labanan ang insurhensiya.
Matatandaan na target ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tapusin ang problema sa insurhensiya ngayong taon.