DBM, muling nagbabala sa publiko laban sa mga fixer at manloloko

DBM, muling nagbabala sa publiko laban sa mga fixer at manloloko

NAGBIGAY ng babala sa publiko ang Department of Budget and Management (DBM) laban sa mga fixer at manloloko na nangangako ng tulong para mapadali o magsagawa ng mga transakiyon sa ahensiya.

Kasabay nito’y nanindigan ang DBM sa pagkakaroon nito ng integridad, sigasig, at katapatan sa lahat ng mga proseso at transaksiyon.

Alinsunod ito sa umiiral na batas, alituntunin at regulasyon lalo na sa pag-request at pag-release ng pondo ng bayan.

Dahil dito, nais bigyang-diin ng DBM na hindi kailanman magbibigay ng awtoridad ang ahensiya sa kahit sinong indibidwal o grupo para humingi ng pera, goods o pabor kapalit ng pagpapabilis ng mga transaksiyon.

Giit ng DBM, sa kahit anong paraan, ay hindi nila pahihintulutan ang anumang maling representasyon dahil malinaw ito na isang paglabag sa batas.

Ipinabatid naman ng DBM na ang pagsumite ng request para sa Local Government Support Fund–Financial Assistance (LGSF-FA) to Local Government Units (LGUs) ay sa pamamagitan lamang ng Digital Requests Submission for Local Government Support Fund (DRSL) na makikita sa DBM Apps Portal.

Lahat ng dokumentong isusumite ng mga LGU sa ibang paraan ay otomatikong hindi tatanggapin.

Binigyang-diin ng DBM na makikipag-transaksiyon lamang ito sa mga local chief executive ng bawat LGU.

Ito ay upang maiwasan ang mga scammer, middlemen, fraudulent individuals, o organized groups na makagawa ng maling representasyon na maaari silang maka-impluwensiya o makapagpadali ng paglalabas ng Local Government Support Fund–Financial Assistance sa mga LGU.

Kaugnay dito, hinikayat naman ng ahensiya ang publiko na i-report ang anumang kahina-hinalang mga aktibidad para masampahan ng kaukulang kaso ang mga manlolokong indibidwal.

Pahayag ng ahensiya, maaaring i-report ang mga scam o iba pang bogus na aktibidad sa pamamagitan ng pagtawag sa (02) 865-7-3300.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter