PBBM sa mga ahensiya: Ipatupad ang hakbang sa pagtitipid ng tubig

PBBM sa mga ahensiya: Ipatupad ang hakbang sa pagtitipid ng tubig

INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na mahigpit na ipatutupad ang pagtitipid ng tubig sa gitna ng nagbabadyang El Niño.

Sa Memorandum Circular No. 22 series 2023, Hunyo 7, nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na inutusan ng Pangulo ang Water Resource Management Office (WRMO) at network of agencies nito na manguna sa pagpatutupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng tubig.

Ito’y upang maiwasan ang posibleng water crisis sa gitna ng tagtuyot sa mga susunod na buwan.

Inatasan din ng Punong Ehekutibo ang lahat ng ahensiya ng gobyerno, kabilang ang mga korporasyong pag-aari o kontrolado ng gobyerno at mga unibersidad at kolehiyo ng estado na tukuyin at iimplementa ang specific quantifiable at attainable water conservation measures, na magreresulta sa 10% pagbawas ng dami ng tubig sa kanilang “respective first quarter water consumption.”

Inutusan din ng Pangulo ang Local Water Utilities Administration (LWUA), National Water Resources Board (NWRB), ang Metropolitan Water and Sewerage System (MWSS) at mga Private Water Service Provider (WSPS) na magsumite sa WRMO ng buwanang supply-demand projection upang matukoy ang posibleng kakulangan sa suplay ng tubig sa hinaharap.

Inihayag pa ni Pangulong Marcos na ang WRMO ay tutukoy ng mga estratehiya tungo sa hakbang sa pagtitipid ng tubig at magbibigay ng quarterly update sa Office of the President sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary.

Follow SMNI NEWS in Twitter