Bulkang Mayon, posibleng itaas sa Alert Level 4—PHIVOLCS

Bulkang Mayon, posibleng itaas sa Alert Level 4—PHIVOLCS

Kasunod ito sa inanunsiyo ni Albay Governor Edcel ‘Grex’ Lagman na posibleng ngayong araw ng Lunes, Hunyo 12 ay itataas na sa Alert Level 4 mula sa kasalukuyang Alert Level 3.

Paglilinaw naman ng PHIVOLCS na hindi nila inaalis ang posibilidad na itaas ito sa Alert Level 4, pero magdi-depende ito sa ipapakitang behavior ng bulkan.

Inilatag ni PHIVOLCS Albay Resident Volcanologist Dr. Paul Alanis ang mga parameter na tinitingnan na posibleng dahilan sa pagtaas ng alert level status ng Bulkan.

 “Yung major na tinitingnan natin ay ‘yung bilang ng mga earthquake, dumadami ba ‘yung volcanic earthquake, dumadami ba at anong klaseng earthquakes na ‘yun at ano ang energy niya, ‘yun ang isang basehan. Ikalawang basehan, tumataas ba, bigla bang tumataas ‘yung, tumaas ba ‘yung sulfur dioxide o biglang bumababa. So, again, third po ay namamaga po ba ‘yung bulkan? So, suscail ‘yung pamamaga ng bulkan, so that’s call concern,” ayon kay Dr. Paul Alanis, Resident Volcanologist, PHIVOLCS Albay.

Batay sa pinakahuling bulletin ng PHIVOLCS, Hunyo 12, umabot na sa 260 ang rockfall events at nasa 21 naman ang volcanic earthquakes na naitala sa loob ng magdamag.

Nasa 3 pyroclastic density current (PDC) events din ang naitala, at pasado 7:00 kagabi ng Linggo, Hunyo 11 ay nakita na ang lava flow mula sa summit crater ng bulkan.

Habang nasa 642 tonelada na rin ng sulfur dioxide na ibinuga ng nito.

“Now, ano po ‘yung timeline, hindi po natin alam. It could be ano hours, it could be ano lang hours lang na itataas. In other ano po ‘yung spontaneous po noong 2018, less than ano lang po, less than a day lang po nagtaas kami,” dagdag Dr. Paul Alanis.

Sa oras na itaas sa Alert Level 4 ang bulkang Mayon ay posibleng palawigin na rin sa 7km mula sa umiiral na 6km radius permanent danger zone.

Ibig sabihin, marami pa ang ililikas na residente na maapektuhan sa oras magkaroon ng hazardous eruption.

Albay Provincial Government, pinaghahandaan na ang posibilidad ng Alert Level 4 sa Bulkang Mayon

Pinaghahandaan na ng Albay Provincial Government ang mga aksiyon para sa paglilikas pa ng mga residente na apektado ng pag-aalburuto ng bulkan.

Target ng Albay Provincial Government na mailikas ang higit 25,000 indibidwal na ninirahan sa loob ng 7km danger zone.

Nakausap din ng gobernador si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. kung saan nagpaabot ito ng tulong para sa mga apektadong residente.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter