TINIYAK ng bagong talagang kalihim ng Department of National Defense (DND) na si Secretary Gilberto ‘Gibo’ Teodoro ang pagbibigay-pansin sa kapakanan ng mga beteranong sundalo ng bansa sa gitna ng pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng kasarinlan ng Pilipinas.
Sa panayam ng media kay Teodoro, Hunyo 12, 2023, iginiit nito na mabigyan ng tamang benepisyo at aruga ang mga sundalong naging bahagi ng makasaysayang kalayaan ng Pilipinas mula sa mga mananakop.
Sa ilalim aniya ng tagubilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., lalong pag-iigihan ng tanggapan nito ang pagbibigay ng tamang benepisyo para sa mga beterano lalo na sa mga sundalong wala nang kakayanang buhayin at alagaan ang kanilang mga sarili.
Sa kaugnay na balita, nangako ang kalihim na uunahin ng pamahalaan ang interes ng mga Pilipino sa kabila ng mga kinakaharap na hamon ng bansa.
Ani Teodoro, ang Pilipinas ay para sa mga Pilipino kung kayat mainam aniya ang pagkakaroon ng tamang diskusyon o dayalogo sa publiko para malaman ang mga programang naaayon sa kapakapanan at seguridad ng taumbayan lalo na sa pagpapalakas ng depensa ng Pilipinas bilang isang malayang bansa.