NAGHAIN ng kontra salaysay sa Department of Justice (DOJ) ang kampo ng 5 Chinese national na isinasangkot sa human trafficking matapos ang raid sa isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) hub sa Las Piñas City noong Hulyo 27.
Sa kontra salaysay, itinanggi ng mga suspek na sina Li Jiacheng, Xiao Liu, Yan Jiayong, Duan Haozhuan at LP Hongkun ang krimen.
Ang reklamo laban sa mga ito ay isinampa ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).
Pero saad ng abogado, bisita lamang ang mga suspek at nagkataon lang na naroon sila sa POGO hub nang mangyari ang raid.
Maghahain pa ng supplemental evidence ang PNP-CIDG na may kinalaman sa paglabag ng mga ito sa batas ng Immigration.
Magkakaroon pa ng pagdinig hinggil sa reklamo sa Agosto 30.
Ang ipinagtataka lang ng abogado ng mga suspek ay ang paghahain ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng mga panibagong reklamo at ang tinutukoy ng mga ito na big boss ng lima.
Matatandaan na sa nangyaring raid ay halos 3-K mula sa 17 bansa ang naisalba ng mga awtoridad na pinaniniwalaang mga biktima ng human trafficking.
Samantala, inaasikaso naman ng DOJ ang paghahain ng reklamo laban sa apat na hukom na nagpalaya sa limang suspek na walang binibigay na colatilla o dahilan para sa kanilang paglaya.