Pilipinas at Australia magtatatag ng ‘work and holiday’ visa arrangement

Pilipinas at Australia magtatatag ng ‘work and holiday’ visa arrangement

LUMAGDA sa isang memorandum of understanding (MOU) ang Pilipinas at Australia para sa pagtatatag ng isang ‘work and holiday’ visa arrangement.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang ‘work and holiday’ visa arrangement ay nagpapahintulot sa mga mamamayan ng parehong bansa na maghanap ng trabaho habang nasa holiday upang madagdagan ang ‘cost’ ng kanilang pananatili.

Sa pitong pahinang MOU na nilagdaan ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo at Australian Ambassador to the Philippines Hae Kyong Yu, nagkasundo ang dalawang bansa na mag-isyu ng multiple entry visa na nagpapahintulot sa mga mamamayan nito na magtrabaho sa panahon ng kanilang pamamalagi para sa isang non-extendable period na hindi hihigit sa isang taon.

Ang MOU ay nilagdaan sa opisyal na pagbisita ni Australian Prime Minister Anthony Albanese sa Malacañang noong Setyembre 8, Biyernes.

Sa ilalim ng MOU, bibigyan ng Pilipinas at Australia ang mga kwalipikadong kalahok mula sa parehong bansa ng ‘work and holiday’ visa na magpapahintulot sa kanila na manatili at magtrabaho sa host country sa loob ng 12 buwan.

Ang ‘work and holiday’ visa arrangement ay bukas para sa Filipino at Australian nationals na 18-31 taong gulang sa oras ng aplikasyon at mga nagtapos ng tertiary education o matagumpay na nakatapos ng hindi bababa sa 2-taon ng undergraduate study o post-secondary education.

Nakasaad pa sa MOU na dapat nilang matugunan ang mga kinakailangan sa kalusugan, karakter at pambansang seguridad at may medical at health insurance para sa tagal ng kanilang pananatili.

Magsisimula ang 12-month period mula sa petsa ng unang pagpasok at ang eligible nationals ay maaaring umalis at muling pumasok sa teritoryo ng host participant gamit ang parehong visa.

Ang lahat ng mga mamamayan sa ilalim ng naturang arrangement ay kinakailangang sumunod sa kani-kanilang mga batas at regulasyon ng host country sa panahon ng kanilang pamamalagi.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble