ILANG prominenteng indibidwal, kompanya, at grupo ang kinilala ng Public Attorney’s Office (PAO) sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City nitong Miyerkules.
Kasabay ito ng ika-limang National Convention of the Rank and File Employees of Public Attorney’s Office.
Ayon kay PAO chief Atty. Persida Acosta, pinili ng Program on Awards and Incentives for Service Excellence Committee ang mga paparangalan.
Sila aniya itong sumusuporta sa adhikain at misyon ng PAO sa pagbibigay ng libreng legal services at social justice.
Isa sa pinarangalan ay si Pastor Apollo C. Quiboloy bilang “Outstanding Civic Leader.”
Paliwanag ni Acosta, kinilala si Pastor Apollo dahil sa kaniyang kontribusyon para sa kapayapaan at paghahari ng batas sa ating bayan.
“Siya po ay isa sa bahagi na nagbibigay inspirasyon sa maralitang Pilipino para patuloy na maging magiting at may kapayapaan, may kapanatagan sa pagkabuhay dito sa ating bansa. Sa kabila ng maraming pagsubok, pandemya, nandiyan po si Pastor Apollo C. Quiboloy para maging icon of democracy, peace, and rule of law,” saad ni Atty. Persida Acosta, Chief Public Attorney, Public Attorney’s Office (PAO).
SMNI News, pinarangalan ng PAO bilang Outstanding Broadcasting Network
Kinilala naman ng PAO ang SMNI News Channel sa kontribusyon nito sa larangan ng pamamahayag.
Tinanggap ng network ang pagkilala bilang Outstanding Broadcasting Network.
“Ang SMNI ay napili sapagkat kahit saang Public Attorney’s Office, nandiyan po ang SMNI,” ayon pa kay Acosta.
“Sila ay bahagi kumbaga ay kasangkapan para maparating sa liblib na dako, sa mga karagatan, kagubatan, at kahit sa kabukiran, kung ano ang tunay na kaganapan at maging ang kaalaman sa batas na dahil nasusulat, “Ignorance of the law, excuses no one from compliance therewith,” wika ni Acosta.
“Kaya po ang SMNI ang siya pong nanguna na mabigyan ng gawad parangal,” aniya.