PANSAMANTALANG makakalaya ngayon si dating Sen. Leila de Lima matapos payagan ni Muntinlupa RTC Branch 206 Presiding Judge Gener Vito ang kaniyang petition for bail.
Pinayagan itong makapagpiyansa sa halagang P300-K.
Maliban sa kaniya, pinayagan din na makapagpiyansa ang iba pang akusado na sila dating Bureau of Corrections Director Franklin Jesus Bucayu, Ronnie Dayan, Joenel Sanchez, at Jose Adrian Dera.
Sa ngayon ay isa na lang ang natitirang drug case ni De Lima matapos ibasura ng Muntinlupa RTC ang dalawang kaso nito na may kinalaman sa illegal drugs.
Sa kaniyang ikatlong kaso, inaakusahan si De Lima at iba pa, na kinasangkapan nila noon ang mga Bilibid inmate para sa pagbili at pagbenta ng shabu.
DOJ, hindi tutol sa pagpayag ng korte na makapagpiyansa si De Lima at iba pang akusado
Samantala, nirerespeto naman ni SOJ Secretary Jesus Crispin Remulla ang naging desisyon ng korte.
Aniya nagpapakita lang ito na may prosecutorial independence ang korte at ang gumaganang demokrasya sa bansa.
Hindi naman masabi ni Remulla na kung humina na ang kaso ng prosekusyon o papunta na sa acquittal ang kaso.
Hindi naman aniya kasi ito dumadalo ng paglilitis.
Matatandaan na sa huling kaso ni De Lima, mayroong mga testigo ang bumaliktad na rin ng kanilang testimonya laban kay De Lima.
Para kay Remulla, ang recantations ang pinakamasamang hakbang sa pagsasabi na walang katotohanan ang mga nauna nilang testimonya.
“It is something does not change at all. Recantations for me is really one of the worst ways saying that the testimonies are untrue for they can be many reasons for the recantations to be done,” pahayag ni Sec. Jesus Crispin Remulla, Department of Justice.