KASABAY ng ika-limang anibersaryo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), may mensahe si Vice President Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ukol sa joint statement ng gobyerno at National Democratic Front sa Oslo, Norway.
Sabi ni Vice President Duterte, ang pahayag ng gobyerno sa NDF ay isang kasunduan sa demonyo.
Gagamitin lang kasi aniya ang peace negotiation sa pagtraydor sa pamahalaan at paglinlang sa taumbayan.
“Mr. President, the government’s statement with the NDFP in Oslo was an agreement with the devil. Napatunayan na natin sa kasaysayan na hindi sila seryoso at wala silang sinseridad sa usaping pangkapayapaan. Gagamitin nila itong peace negotiation sa pagtraydor sa pamahalaan at paglinlang sa taumbayan. We appeal to your power to review these proclamations and agreements,” pahayag ni Vice President Sara Duterte, Republic of the Philippines.
Panawagani ni Vice President Duterte kay Pangulong Marcos na sana ay isaalang-alang ng Pangulo ang mga komunidad na naging pugad ng mga terorista sa mahabang panahon na ngayon ay lumalaban na at tumutulong sa pamahalaan.
“Mr. President, we can negotiate for peace and reconciliation and pursue meaningful development efforts in the Philippines without capitulating to the enemies. Hiling namin na kami ay mapakinggan,” panawagan ni VP Duterte.
Pagbibigay ng amnestiya sa mga teroristang grupo, hindi daan sa kapayapaan—VP Sara
Kasabay rito ay ipinahayag din ni VP Duterte na ang pagbibigay ng amnestiya sa mga mga teroristang grupo sa pamamagitan ng Proclamations 403 at 404 ay hindi magbibigay ng hustiya sa mga naging biktima ng madugong digmaang idinulot ng mga terorista.
Aniya hindi daan sa kapayapaan ang pagbibigay ng amnestiya.
“Sumusuporta ako sa mga hakbang para itaguyod ang kapayapaan sa bansa because the fight against terrorists is deeply personal to me, as it is deeply personal to the families of countless Filipinos whose lives were forever upended because of the madness of terrorists. Pero hindi ang pagbibigay ng amnestiya ang daan sa kapayapaan,” diin pa nito.
NTF-ELCAC, dapat mas palakasin ayon kay VP Sara
Dagdag pa ng pangalawang pangulo na ang dapat gawin ay palakasin ang NTF-ELCAC.
“Ang dapat nating gawin ay ipagpatuloy ang ating mga nasimulan sa NTF-ELCAC at mas palakasin pa ang mga ito. Panalo na tayo, lumalaban na ang mga komunidad,” mariing sinabi ni VP Duterte.