ISANG karangalan para sa Kagawaran ng Edukasyon ang naging resulta ng OCTA Research na kinikilala ang Department of Education (DepEd) bilang Most Trusted and Top Performing Government Agency para sa 3rd Quarter ng 2023 Tugon ng Masa nationwide survey.
Kaugnay nito, taos-pusong nagpapasalamat si Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte sa mamamayang Pilipino para sa patuloy na tiwala at suporta na ibinibigay sa DepEd.
“Dapat po nating tandaan na hindi ito makakamit ng nag-iisang namumuno o ng iilang tao lamang sa Kagawaran. Ito ay bunga ng kapit-bisig na pagtutulungan at pinagsama-samang kakayahan tungo sa iisang mithiin ng mga taong may pagmamahal sa bansa,” pahayag ni VP Sara Duterte.
Aniya ang pagkilala na ito ay ang pagkilala sa dedikasyon at puso sa serbisyo publiko ng mga guro, kawani, parents’ support groups, private partners at stakeholders na nagkakaisang tuparin at buuin ang pangarap ng bawat batang Pilipino.
Dahil dito nais magbigay-pugay ni VP Duterte sa lahat ng mga guro, kawani at partners na palaging bukas-palad na maglilingkod sa bayan.
“Ang pagkilala na ito ay hindi lamang sa DepEd, ang pagkilala na ito ay para sa inyo at sa MATATAG na kinabukasan ng ating bansa” ani VP Duterte.