Mga natatanging LGU, pinarangalan ng DILG

Mga natatanging LGU, pinarangalan ng DILG

NAGBIGAY muli ng pagkilala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pamamagitan ng kanilang Seal of Good Local Governance (SGLG) para sa mga natatanging local government units (LGUs) araw Huwebes.

Sa pagkakataon na ito ang mga LGU mula sa Region 3, CALABARZON at ibang parte mula sa Visayas ang binigyan ng naturang pagkilala.

Si DILG Sec. Benjamin Abalos, Jr. ang nanguna sa naturang aktibidad.

Araw ng Miyerkules nauna nang ginawaran ng SGLG award ang mga LGU mula sa Metro Manila, Region 2, at Cordillera Administrative Region (CAR).

Ngayong taong 2023 nasa halos 500 na LGUs ang nakatanggap ng nasabing award.

Ito’y binubuo ng 28 probinsiya, 64 siyudad at 401 munisipalidad.

Sa nasabing bilang ng mga awardees ngayong taon, 22 rito ay pitong magkakasunod na taon nakatanggap ng naturang award.

Ito’y ang mga lugar sa probinsiya ng Quirino, Isabela, Bulacan, Aklan, at lungsod ng Caloocan, Mandaluyong, Balanga, Mabalacat City, Bacoor, Carmona, at San Pedro.

Kabilang din dito ang mga lalawigan at siyudad ng San Carlos (Negros Occ.), Caoayan, Ilocos Sur, Alcala, Pangasinan, San Mateo, Isabela, Saguday, Quirino, San Juan, Abra, Plaridel, Bulacan, Floridablanca, Pampanga, Victoria, Tarlac, Barugo, Leyte, at Kapatagan, Lanao del Norte.

Kaugnay rito ibinida ni Nueva Ecija Governor Aurelio Umali ang kanilang mga pinakamahusay na kasanayan sa kaniyang nasasakupan at isa na rito ang pagbuo ng Provincial Food Council at ang pagpapalakas ng iba pang programa.

“Actually understanding the challenges of the province is very important, alam naman po natin na Nueva Ecija ang Rice Bowl of the Philippines. And so, when price of palay went down on 2019 we are the first LGU to put up a Provincial Food Council at kauna-unahang LGU na bumili ng palay sa mga magsasaka sa mas mataas na halaga. And up to now nagkaroon ng pandemya its already our forth year namimigay kami ng bigas sa bawat tahanan and other projects that support ‘yung ating edukasyon, kalusugan kapayapaan, at equal opportunity ng marami nating kababayan sa Nueva Ecija,” ayon kay Gov. Aurelio Umali, Province, Nueva Ecija.

Para naman kay Laguna Governor Ramil Hernandez ang pagtanggap nila ng SGLG Award ay patunay ng kanilang mataas na standard sa pagpapatupad ng mga programa na makakatulong sa mga residente sa lalawigan ng Laguna.

“Hindi ko na po isa-isahin ‘yung ating mga accomplishments isa lang po ang malinaw dito nami-meet pa natin ang mataas na standards sa pamamahala kaya nga po tayo ay nakatanggap ng SGLG Award, at ito po ay utang na loob po natin sa lahat po ng mga sumusuporta po sa atin,” ayon kay Gov. Ramil Hernandez, Province of Laguna.

Dahil dito, binati ng gobernador ang mga mayors sa kanilang lugar na nakatanggap ng parangal kasabay ang panawagan sa ibang local government officials sa Laguna na kaniya itong tutulungan upang mas mapabuti pa ang pagpatutupad ng mga serbisyo at programa.

“Kino-congratulate ko rin po ‘yung ating mga kasamahang LGUs sa Laguna na nakakuha ng SGLG Award at ‘yun po namang iba na medyo kinapos, nandito po naman ang provincial government nakahanda po kaming uma-assist po sa inyo para akayin tayo sa magandang rating dito sa SGLG,” dagdag ni Gov. Hernandez.

Nagagalak naman na ibinalita ni Bataan Governor Jose Enrique “Joet” Garcia nasa 13 LGU sa kanilang lugar 12 dito ang nakatanggap ng SGLG Award.

Ayon sa gobernador ito ay isang patotoo na maayos ang pagpapatupad sa lahat ng programa maging ang utilization ng mga pondo at ginagawa nila g systematic ang lahat ng mga iba’t ibang departmento sa kanilang probinsiya.

“Ngayong araw nakatanggap ang Province of Bataan ng aming Seal of Good Local Governance at gusto ko rin ibalita na 12 out 13 local government unit sa Bataan ang nakatanggap nitong SGLG siguro ito ay patunay na maayos ‘yung ating programa pagpapatupad ng mga programa, utilization ng mga pondo ginagawa nating systematic ‘yung lahat ng mga iba’t ibang departments ng sa ganun ay magkaroon ng mas maayos na implementasyon ng mga programa,” ayon kay Gov. Jose Enrique “Joet” Garcia, Province of Bataan.

Ang SGLG ay programa ng DILG na naglalayong paigtingin ang tapat at mahusay na pagganap ng mga tungkulin ng mga lokal na pamahalaan.

Habang ang mga nakatanggap ng SGLG Award ay mabibigyan ng insentibo na maaaring magamit nila upang pondohan ang kanilang mga programa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble