NAIS tiyakin ni Senator Alan Peter Cayetano na patuloy ang pondo para sa modernisasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Aniya, hindi garantiya ng tagumpay ang simpleng pag-apruba lamang ng limang-taong plano.
“I don’t want us to just pass a specific five-year plan and then not allocate the necessary funds,” wika ni Cayetano ilang araw bago ang public hearing ngayong araw, Lunes, Pebrero 12, 2024 hinggil sa isinusulong na PHIVOLCS Modernization Act ng Committee on Science and Technology, kasama ang iba pang Komite sa Energy, Ways and Means, at Finance.
Binigyang-diin ni Cayetano, na siyang Chairperson ng Senate Science and Technology Senate Committee, ang mga benepisyo ng pagmomodernisa ng PHIVOLCS at sinabing makakatulong ito sa programang imprastruktura ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Hazard mapping will aid everyone in construction, including where to build and where not to build new roads,” wika niya.
Sa Senate hearing tungkol sa PHIVOLCS Modernization Act noong Disyembre 1, 2023, sinabi ni PHIVOLCS Director Dr. Teresito Bacolcol na ilang lokal na ng pamahalaan ang gumagamit ng hazard mapping ng ahensiya sa kanilang land use planning.
Layunin ng modernisasyon na maglagay ng 300 earthquake monitoring stations, 82 sea level monitoring stations, kumpletong monitoring systems, geologic hazard maps, bagong mga pasilidad sa pananaliksik na may pinakabagong kagamitan, at information and communications technology server room.
Sa pagdinig, tinalakay rin ni Cayetano ang kahalagahan ng pagiging handa ng Metro Manila sakaling tumama ang “Big One” – isang lindol na may magnitude 7.2 o higit pa.
Sa pagtataya ng PHIVOLCS noong 2016, ang gayong lindol ay maaaring magdulot ng 48,000 pagkamatay at 24,000 malubhang pisikal na pinsala.
Bukod dito, maaaring magdulot ng malawakang pagkawala ng kuryente at komunikasyon ang pagkasira ng imprastruktura, pati ang malaking pagkawala sa ekonomiya na tinatayang P2.5-T ayon sa World Bank.
Binigyang-diin ni Cayetano ang pangangailangan na patatagin ang PHIVOLCS bilang isang proaktibong hakbang.
“Itong modernization bill… I think we should really give it all the effort… It will help us in the long-term,” wika niya.