MULING pinagtibay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang diplomatikong relasyon sa Australia. Nabanggit niya ito sa kaniyang arrival statement kung saan magpapatuloy aniya na isa sa mga pinakamalapit na kaalyado ng Pilipinas ang Australia.
Tinukoy ng Punong Ehekutibo ang pagbisita roon bilang isang makabuluhang hakbang sa pagsasakatuparan ng mga oportunidad at potensiyal na itinakda sa ilalim ng Strategic Partnership Framework.
Mababatid na itinaas ng Pilipinas ang bilateral na relasyon nito sa Australia mula sa komprehensibo tungo sa isang strategic partnership sa panahon ng pagbisita ni Australian Prime Minister Anthony Albanese sa Pilipinas noong Setyembre 2023.
“Australia remains, and will continue to be, one of our closest friends. In the spirit of Bayanihan and Mateship, we shall forge ahead in fully maximizing the potentials and the gains from this Strategic Partnership between our two forward-looking, law-abiding maritime states,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nagpasalamat din siya sa Australia para sa suporta nito sa isyu ng South China Sea.
Sa kaniyang state visit, hinarap ni Pangulong Marcos ang Parliament ng Australia kung saan binigyang-diin niya ang matatag na suporta ng Pilipinas para sa kapayapaan at pagkakaisa ng rehiyon.
Ipinarating din ng Punong Ehekutibo sa mga mambabatas ng Australia ang mahalagang papel ng mga bansa bilang mga tagapagtaguyod ng rules-based international order at ang importansiya nito sa gitna ng kasalukuyang complexities sa global geopolitics.
“As democratic maritime nations, access to the global commons such as the oceans and the seas must be ensured and safeguarded,” ani Pangulong Marcos.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng isang ‘mutually-beneficial economic relationship’ sa Australia.
Kinilala rin niya ang papel ng matagal nang people-to-people ties ng dalawang bansa.
Nagkaroon din si Pangulong Marcos ng bilateral meeting kay Prime Minister Anthony Albanese, kung saan napag-usapan nila ang iba pang kooperasyon na maaaring isagawa ng Pilipinas at Australia.
Ito ay partikular sa kalakalan, pamumuhunan, at seguridad.
Binanggit din ng Pangulo ang kaniyang maikling diskusyon sa Australian legislators, kabilang ang Senate President at Speaker ng
House of Representatives, gayundin ang pinuno ng oposisyon.
Iniulat ng Pangulo ang paglagda sa tatlong kasunduan na sumasaklaw sa mga isyu ng maritime domain, cyber, at kritikal na teknolohiya, at epektibong pagpapatupad ng kani-kanilang mga batas at patakaran sa kompetisyon ng dalawang bansa.