SA gitna ng napakainit na panahon ngayon, naitala ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang mataas na kaso ng pigsa at hypertension o high blood pressure sa persons deprived of liberty (PDLs).
Batay sa tala ng BJMP, umabot na sa kabuuang 600 kaso ng pigsa ang kanilang naitala habang nasa mahigit 2,500 naman ang kaso ng hypertension.
Ayon kay BJMP Spokesperson Jayrex Bustinera, ang naturang bilang ay mula sa iba’t ibang jail facilities sa bansa.
Dagdag pa ng opisyal, pinaghahandaan na nila ang panahon ng tag-init at tinatarget na bumaba ang kaso ng mga summer disease na naitatala ngayong taon.
Kabilang sa kanilang paghahanda ang pagbabawas sa populasyon sa mga pasilidad at pagbili ng mga gamot, at pagkuha ng mga anim na bagong mga doktor.