Esperon, dinipensahan ang P19-B budget ng NTF-ELCAC

Esperon, dinipensahan ang P19-B budget ng NTF-ELCAC

DINIPENSAHAN ni National Security Adviser Hermogenes Esperon ang P19.13 billion budget na nakalaan para sa mga programa at proyekto ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ito ay sa gitna ng panawagan ng ilang mga senador at ni Vice President Leni Robredo na ipamahagi ng lang bilang ayuda para sa apektado ng COVID-19 pandemic ang budget ng NTF-ELCAC.

Ani Esperon, hindi balakid ang NTF-ELCAC sa pagresolba sa COVID-19 pandemic.

Bukod pa rito, sinabi ni Esperon na gumagastos ng aabot sa P600 billion ang gobyerno para sa COVID-19 pandemic, ‘di pa kasali rito ang kontribusyon ng mga pribadong sektor.

Samantala, aabot sa P16.44 billion na budget ng NTF-ELCAC ngayong taon ang napunta sa Barangay Development Program habang P1.19 billion, P480 million at P340 million ay nakalagay na sa interior, agriculture at social welfare departments.

Kaugnay nito, sa ilalim ng Barangay Development Program, ang 822 barangays na nilisan na ng New People’s Army simula 2016 hanggang 2019 ay makatatanggap ng P20 million kada isa para sa paggawa ng farm-to-market roads, classrooms, health stations at iba pa.

 

SMNI NEWS