MAGKAKAROON na rin ng representasyon ang mga “Balik-Islam” sa National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) oras na maging batas ang panukalang inihain nitong Miyerkules, Setyembre 11, 2024 ni Sen. Robinhood Padilla.
Ani Padilla, tinitiyak ng Senate Bill No. 2819 ang mas malawak na representasyon sa NCMF sa pamamagitan ng dagdag na commissioner mula sa Balik-Islam Community.
Batay sa isang komprehensibong pag-aaral na isinagawa ng University of the Philippines noong 2023, iba’t ibang hamon ang kinakaharap ng mga nagbabalik-Islam.
Ito ay maaaring mula sa mga personal, pampamilya, at komunidad, na mga suliranin.
Sa ilalim ng kasalukuyang NCMF Law o ang Republic Act No. 9997 na ipinasa noong 2009, may siyam na full-time members ang NCMF na Muslim Filipino.
Kabilang dito ang tig-isang commissioner mula sa kababaihan, kabataan at ulama.