Confidential at Intelligence Funds, ‘di dapat buksan —Atty. De Alban

Confidential at Intelligence Funds, ‘di dapat buksan —Atty. De Alban

PABOR ang independent senatorial aspirant na si Atty. Angelo De Alban, kaugnay sa pagbabawal na buksan ang Confidential at Intelligence Funds (CIF) ng isang opisyal o ahensiya ng gobyerno.

Naniniwala ang abogado na dapat maintindihan ng publiko at sinumang kritiko na hindi dapat na isapubliko ang kung sino at saan ginagamit ang pondo dahil lamang sa usapin ng transparency.

Ani de Alban, kaya tinawag na “Confidential” dahil hindi ito dapat na isinasapubliko ng basta basta na lamang sa ngalan ng transparency.

Giit ni de Alban, mayroon namang COA o Commission on Audit na lehitimong tumitingin sa pinaggagastusan ng mga pondo ng pamahalaan at kung sa tingin nito ay wala namang anomalya ay dapat itong igalang ng publiko.

Sakali naman aniyang may alegasyon ng korapsiyon o di tamang paggamit ng pondo ng bayan, maaari namang irekomenda ito sa Ombudsman para sa kaukulang imbestigasyon.

Matatandaang, naging kontrobersiyal ang isyu ng confidential funds sa tanggapan ni Vice President Sara Duterte dahil sa kabiguan nitong sabihin sa Kongreso kung saan napupunta ang Confidential at Intelligence Funds nito.

Gayunpaman, paulit ulit na kinumpirma ng COA na walang anomalya sa mga pondo ng tanggapan ng Pangalawang Pangulo.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble