IPINAGPALIBAN na muli ng Commission on Elections (COMELEC) ang pag-imprinta ng nasa 73 milyong balota para sa 2025 midterm elections.
Nakatakda sana ang resumption ng ballot printing ngayong araw, Enero 22, 2025.
Kasunod ito sa inilabas na panibagong Temporary Restraining Order (TRO) ng Korte Suprema sa isang senatorial aspirant na si Francis Leo Antonio Marcos at tumatakbo muli bilang Albay Governor na si Noel Rosal.
Ibig sabihin, pinapahintulutan ang mga nabanggit na maipagpatuloy ang kanilang kandidatura sa kabila ng kanilang disqualification cases.
Kaugnay rito, ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, sisikapin nilang matapos ang pag-update ng kanilang database sa Biyernes upang makapag-imprinta na sila muli sa Sabado.
Hinggil sa inilalabas na TRO ng Korte Suprema, matatandaang siyam na kandidato na ang naunang binigyang pagkakataon na makapagpatuloy sa kanilang kandidatura kung kaya’t sinuspinde ng COMELEC ang ballot printing.