UMAASA ang Philippine National Police (PNP) na hindi aalisin ng Commission on Elections (COMELEC) ang kanilang ahensiya bilang deputized agency nito ngayong election period at sa paparating na campaign period para sa midterms elections ngayong Mayo.
“I hope it will not come to that stage na matanggal po ang PNP,” saad ni PBGen Jean Fajardo, Spokesperson, Philippine National Police (PNP).
Ito ngayon ang pangamba ng PNP sa babala ng COMELEC kaugnay sa posibleng pagtanggal sa pulisya bilang deputized agency nito ngayong election period.
Bunsod ito ng pagmamatigas ng kapulisan na ituloy ang Oplan Revitalized Katok o pagtungo sa mga bahay ng mga nagmamay-ari ng armas o baril, na hindi pa rehistrado o nai-renew.
Giit kasi ng COMELEC, hindi maaaring gawin ng PNP ang naturang Oplan Katok nang walang pahintulot mula sa kanila ngayong ang COMELEC ang may kontrol sa lahat ng law enforcement unit sa bansa sa panahon ng eleksiyon.
Ibig sabihin, lahat ng galaw ng mga pulis at militar ay dapat may koordinasyon sa COMELEC.
Ayon kay COMELEC Chairman Atty. George Garcia, posible gamitin ng mga kandidato ang mga pulis para takutin ang mga botante at paboran ang sinumang politiko na may impluwensiya sa kapulisan.
Pero nilinaw ng PNP, wala anilang basehan ito dahil matagal na nilang ginagawa ang nasabing programa bago pa man ang eleksiyon.
“There is no factual basis to claim that this program is meant to instill fear. We have been implementing Revitalized Katok for years—long before the election season. There is no agenda, no political bias, and no intimidation involved. Our reminders are purely legal and procedural, targeting only those with expired firearm licenses. Nothing more, nothing less,” wika ni PGen Rommel Francisco Marbil, Chief, Philippine National Police.
Sa araw ng Martes, nakatakdang makipagdayalogo ang PNP sa tanggapan ni COMELEC Chairman Garcia kaugnay sa mga kinakailangang regulasyon o guidelines sa pagpapahintulot sa nasabing operasyon.
Nauna nang nagbigay ng ultimatum ang COMELEC lalo na sa PNP at AFP, na hindi magugustuhan ng mga ito ang gagawin ng ahensiya sa oras na may lalabag sa mga panuntunan o polisiya ng COMELEC ngayong panahon ng eleksiyon.