Gatchalian, nakatakdang maghain ng resolusyon hinggil sa gusot sa BENECO

Gatchalian, nakatakdang maghain ng resolusyon hinggil sa gusot sa BENECO

NAKATAKDANG maghain ng resolusyon si Senador Win Gatchalian hinggil sa Benguet Electric Cooperative (BENECO).

Hinimok ni Senador Gatchalian ang National Electrification Administration (NEA) na siguraduhin ang tuloy-tuloy na serbisyo ng Benguet Electric Cooperative (BENECO) sa Baguio City at 13 bayan ng probinsya ng Benguet matapos ang napaulat na kaguluhan sa pamunuan nito.

Ginawa ito ni Gatchalian kahit na may pagtiyak na si NEA Administrator Emmanuel Juaneza sa nakaraang budget hearing sa Senado na panatag na at tapos na ang gulo sa BENECO.

Sa kabila nito, nakatakdang maghain ng resolusyon si Gatchalian hinggil sa nasabing gusot at inaasahang iimbestigahan ito sa Senado.

“Ang inaalala namin ay ang katatagan ng suplay ng kuryente sa nasasakupan nito. Ang Baguio ay isang urbanisadong siyudad at ayaw namin na makaranas ang mga taga Baguio ng brownouts dahil sa ganitong gulo,” ayon kay Senador Gatchalian.

Aniya, hindi maiiwasan na mag-alala ang mga konsyumer kung may mga kaguluhang katulad ng nangyari sa BENECO.

Sa nakaraang pagdinig sa Senado kung saan tinatalakay ang panukalang P3.896 bilyon na corporate operating budget ng NEA para sa 2022, tinanong ni Gatchalian ang estado ng electric cooperative kasunod ng viral video ng sinasabing pag-takeover sa BENECO noong madaling araw ng Oktubre 18.

Makikita sa nasabing video ang pagdating ng mga pulis upang magsilbi ng preventive suspension order sa presidente ng BENECO kasama na ang pitong board members at general manager na umano’y hindi kumikilala sa itinalaga ng NEA na bagong general manager.

Matapos na makabalik ang mga nagprotestang mga empleyado at opisyal ng BENECO, siniguro ni Juaneza na tapos na at wala nang mangyayaring kaguluhan sa operasyon nito kahit na nanindigan sya na may sapat na basehan ang pagtalaga kay Atty. Ana Maria Rafael bilang general manager kapalit ni acting GM Melchor Licoben.

Base sa pagsusuring isinagawa ni Gatchalian sa mga pangyayari at kaukulang mga dokumento, sinabi ng senador na ang NEA ang hindi sumunod sa sarili nitong kautusan sa mga usaping may kinalaman sa succession at selection process para sa pagtatalaga ng bagong general manager.

Inungkat ng Senate Energy Committee Chairperson ang NEA Memorandum 2017-035 kung saan nakasaad ang “Revised policy on the selection, hiring, termination of service/suspension for GMs of electric cooperatives.” Nakasaad dito ang alituntunin na nagpapahintulot sa BENECO board na pumili ng kanilang GM at maaari lamang makialam ang NEA kung tatanggihan ng board ang lahat ng mga aplikante.

“Ayaw natin ang NEA, na taga-pangasiwa ng lahat ng electric cooperatives (ECs), na magdikta sa isang maayos at kumikitang kooperatiba. Hindi iyon ang layon ng batas. Ang layon ng batas ay hayaan ng NEA ang mga ECs na pamahalaan ang sarili nila at pwede lamang itong manghimasok kung may kinakaharap nang suliranin ang isang koop, hindi na maayos ang pagpapatakbo dito o kung ito’y nalulugi na,” paliwanag ni Gatchalian.

“Ang panawagan ko sa NEA ay suriin nito ang sarili nilang mga alituntunin at siguraduhin na sinusunod nila ito at maayos ang pagpapatakbo ng operasyon ng BENECO. Marapat lamang na masiguro natin sa mga taga-Baguio, sa mga kababayan nating nasasakupan nito, na tuloy-tuloy ang suplay ng kuryente sa kani-kanilang mga tahanan,” dagdag nito.

SMNI NEWS