Mga party-list na konektado sa CPP-NPA-NDF, hindi na dapat makabalik sa Kongreso

Mga party-list na konektado sa CPP-NPA-NDF, hindi na dapat makabalik sa Kongreso

HINDI bababa sa 155 grupo ang naglalaban-laban para makuha ang isa sa 63 puwesto na nakalaan para sa mga party-list representatives sa nalalapit na 20th Congress.

Ilan sa mga grupo na iyan ay konektado sa CPP-NPA-NDF.

Ayon kay dating Communications Undersecretary Dr. Lorraine Badoy, may impluwensiya pa rin ang CPP-NPA-NDF sa 2025 Midterm Elections, lalo’t aniya ay may malaking pondo ang mga ito.

Gayunpaman, iginiit niyang mas makapangyarihan ang taumbayang gising na sa katotohanan at hindi na umano nagbubulag-bulagan sa tunay na kulay ng mga nasabing grupo.

“Napakalaking bagay ng kamalayan ng ating mga kababayan. Gising na sila. Alam na nila ang CPP-NPA-NDF kasi kapag pumunta ka sa pages mismo ng prente ng CPP, taumbayan na mismo ang nagsasalita at nagsasabi, “Raoul Manuel CPP ka. Tumigil ka! Hoy France Castro, Arlene Brosas!” wika ni Dr. Lorraine Badoy, 2nd Nominee, EPANAW Sambayanan.

Kabilang sa mga party-list na konektado sa CPP-NPA-NDF na nais makakuha muli ng puwesto sa House of Representatives ay ang Kabataan, Bayan Muna, Alliance of Concerned Teachers (ACT), at Gabriela, ayon kay Badoy.

Itinanggi naman ni Atty. Marlon Bosantog na red-tagging ang ginagawa nila laban sa mga nasabing grupo.

Aniya, mismong mga dating kasamahan ng mga party-list na ito ang nagbunyag ng kanilang tunay na ugnayan sa CPP-NPA-NDF.

“For the last two years, nagconduct po tayo ng mga senate inquiries. At doon nalaman natin at nagsabi mismo ‘yung mga former rebels na 20 years na sila sa CPP-NPA-NDF kung ano talaga sila at kung ano talaga ang mga party-list na ito,” saad ni Atty. Marlon Bosantog, 1st Nominee, EPANAW Sambayanan.

Dagdag pa ni Badoy, may mga bagong party-list na kaalyado umano ng CPP-NPA-NDF na sinusubukang makapasok sa Kongreso sa darating na halalan.

“Ang galing nilang manlinlang. So now we know that there are other party-groups, party-lists na kasama sila. Kaalyado sila. Kinukuha pa namin ‘yung listahan para pwede naming ilabas,” dagdag ni Badoy.

Hinimok ni Badoy ang publiko na huwag nang payagang makabalik ang mga ito sa Kongreso.

Isa sa mga grupong nanganganib mawala sa Kongreso ay ang Bayan Muna.

Matapos mabigong manalo noong nakaraang eleksiyon, muling susubok ang grupo na makakuha ng puwesto sa 20th Congress.

Kung muling mabibigo ang Bayan Muna ngayong eleksyon, hindi na ito makakatakbo sa ilalim ng parehong pangalan, alinsunod sa patakaran ng Commission on Elections (COMELEC) na nagtatanggal sa mga party-list na sunod-sunod na hindi nananalo.

“Huwag na nating ibalik ang mga iyan.”

“Iyan ang misyon natin. Forward march tayo,” ani Badoy.

Si Bosantag at Badoy ay kapwa nominees ng EPANAW Sambayanan kasama ang dating kadre na si Jeffrey ‘Ka Eric’ Celiz.

Layunin ng kanilang grupo na isulong ang karapatan at kapakanan ng mga katutubo sa bansa, na anila’y madalas ding nabibiktima ng panlilinlang ng CPP-NPA-NDF.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble