SolGen Guevarra naging totoo at nanindigang walang hurisdiksiyon ang ICC sa bansa—Panelo

SolGen Guevarra naging totoo at nanindigang walang hurisdiksiyon ang ICC sa bansa—Panelo

TUNGKULIN ng Solicitor General ang ipatupad ang tinatawag na rule of law. Ito ang binigyang-diin ni Atty. Salvador Panelo, dating chief presidential legal counsel.

Aniya, ang SolGen ay hindi lamang nag-aabogado para sa gobyerno, kundi para din sa taumbayan na lumikha ng gobyerno. Isinalaysay ni Panelo ang mga pagkakataon kung saan ang SolGen ay hindi pinagtatanggol ang posisyon ng gobyerno kapag mali, tulad na lamang ng panahon ni yumaong Solicitor General Frank Chavez.

“Sa panahon ni Solicitor General Frank Chavez, tumanggi siyang katawanin ang gobyerno sapagkat alam niyang mali ang posisyon. Pinayagan siya ng Korte Suprema na huwag ipagtanggol ang maling posisyon ng gobyerno,” Atty. Salvador Panelo, Former Chief Presidential Legal Counsel.

Ani Panelo, marami ring pagkakataon sa mga kasong kriminal kung saan ang SolGen mismo ang nagpapadala ng kaso sa mga akusado, kapag nakikita nitong tama ang kanilang posisyon at mayroong injustice.

Kaugnay rito, pinuri ni Panelo ang hakbang ni Solicitor General Menardo Guevarra, na nanindigang walang hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas. Ayon kay Panelo, bilang public servant, si Guevarra ay naging totoo at nagkaroon ng integridad sa pagpapakita ng prinsipyo.

“Lahat ng mga abogado niya sa SolGen kasama siya. Mabuti naman, sapagkat iyan ang magiging saving grace ng Marcos administration. Mayroong isang cabinet member na nanindigan kaya gayahin,” ani Panelo.

Nagbigay rin ng pahayag si Guevarra na ang OSG ay hindi lamang abogado ng gobyerno, kundi tagapagtanggol din ng mga Pilipino.

“The OSG is not only the government’s counsel; it is also the tribune of the people,” wika ni Atty. Menardo Guevarra, Solicitor General.

Samantala, sa isang pulong-balitaan, sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na hindi pa nakapag-usap sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at SolGen Guevarra mula noong maihain ang manifestation and motion sa Korte Suprema.

“Sa personal ko pong pagkakaalam, hindi pa po. Siguro po mamaya kapag nagkaroon po ako ng pagkakataon na makausap ang Pangulo, itatanong ko po kung sila po ay nagkaroon na ng pag-uusap after na naglabas po ng manifestation ang SolGen,” ayon kay Usec. Claire Castro, Presidential Communications Office | Palace Press Officer.

Tungkol naman sa posibilidad ng pag-rejoin ng Pilipinas sa ICC, sinabi ni Castro na wala pang pag-uusap sa Malakanyang ukol dito at nananatili pa ring walang hurisdiksyon ang ICC sa bansa.

“Pag-rejoin sa ICC? Wala pa po ngayon, hindi pa po namin napag-uusapan kung kailangan pong mag-rejoin ang Pilipinas sa ICC. Same pa rin po, wala pa rin pong jurisdiction sa ngayon ang ICC sa Pilipinas,” ani Castro.

Magugunitang tumanggi ang OSG na katawanin sa Korte Suprema ang mga opisyal ng gobyerno sa habeas corpus petition ng mga anak ni dating Pangulong Duterte. Sa isang mosyon noong Marso 17, iginiit ng OSG na hindi nito magagampanan ang depensa sa gobyerno dahil naniniwala itong walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas.

Una rito, naghain ng magkahiwalay na petisyon sina Veronica “Kitty” Duterte at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte upang mapabalik sa bansa ang kanilang ama.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble