AGUSAN DEL NORTE | Abril 22, 2025 – Nakumpiska ng mga tropa ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom) ang ilang matataas na kalibre ng armas matapos ang sagupaan kontra sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Sitio Pirada, Barangay Del Pilar, Agusan del Norte.
Ayon sa ulat ng militar, nakasagupa nila ang tinatayang sampung miyembro ng NPA mula sa Platoon 1 ng Sub-Regional Sentro de Grabidad (SRSDG), Westland, sa ilalim ng North Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC).
Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang militar mula sa mga sibilyan ukol sa extortion activities ng NPA sa mga lokal na minero sa lugar.
Ang nasabing tip-off ang naging daan para masagupa ng mga sundalo ang grupo at tuluyang masamsam ang mga armas.
Hindi pa isinasapubliko ang eksaktong bilang ng armas, ngunit inilarawan ito bilang matataas na kalibre, kabilang na ang mga high-powered rifles na karaniwang ginagamit ng mga rebeldeng grupo.
Pinuri ng Eastern Mindanao Command ang matagumpay na operasyon ng 29th Infantry Battalion, at nagpaabot ng pasasalamat sa mga lokal na residente para sa kanilang tulong at patuloy na kooperasyon.
Follow SMNI News on Rumble