IBINAHAGI ni Vice President Sara Duterte na ang ilegal na pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte—na ikinokonsidera ng kanilang kampo bilang kidnapping—ang nagtulak sa kaniyang aktibong pangangampanya para sa 2025 elections.
Matatandaang una nang sinabi ni VP Sara na wala siyang planong mag-endorso ng sinumang kandidato matapos ang mga kaganapan noong 2022 elections.
“Kasi ang nag-trigger ng paglabas ko ay ‘yung ginawa nila kay Pangulong Duterte. At ‘yung ginawa nila na injustice kay Pangulong Duterte na kinuha nila dito sa Pilipinas, sapilitan nilang sinakay sa airplane na walang mga permiso, walang mga permits at dinala nila doon sa Hague at ipinakulong nila sa mga dayuhan. So, kung makita nila, makita nila na nagsabi naman ako na hindi ako sasali sa campaign na ito. So ginawa ko naman ‘yun. Pero nangyari ‘yung kay Pangulong Duterte,” pahayag ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay VP Sara, mismong si dating Pangulong Duterte ang humiling sa kaniya na tumulong sa kampanya ng mga kandidato ng PDP-Laban o DuterTEN habang sila ay nasa The Hague.
“Sinabi ko sa kanya na, “okay, since wala ka naman na doon sa Pilipinas, pwede akong tumulong sa six PDP candidates and four guest candidates ng Duterte.” Tawag nila ngayon sa kanilang grupo ay Duter10. So ‘yan po ‘yung panawagan na block voting o vote straight doon sa sampung senators ni — ng Duterte,” aniya.
Pag-endorso ni VP Sara kina Imee Marcos at Camille Villar, walang basbas mula kay FPRRD
Nilinaw naman ni VP Sara na ang kaniyang pag-endorso kina Sen. Imee Marcos at Rep. Camille Villar ay hiwalay at walang kinalaman sa DuterTEN.
“At ang kay Camille Villar naman at ang kay Senator Imee Marcos tulad din kay Pam Baricuatro hindi naman odd or awkward dahil si Senator Imee Marcos kilala niya ako, magkakilala kami.”
“At si Camille naman ay matagal ko na rin siyang kilala,” ani VP Sara.
Aminado si VP Sara na wala silang naging pag-uusap ni dating Pangulong Duterte tungkol kina Imee Marcos at Camille Villar, kaya’t walang basbas mula sa kaniyang ama ang pag-endorso sa mga ito.
“Ah, wala. Hindi kami nagkausap ni President Duterte ng mga kandidato for senators labas sa Duter10, sa sampung senators ng Duterte. Sa ngayon, nakiusap ang dating Pangulong Duterte para sa mga senators at sinabi ko nga, kaibigan ko, si Sen. Imee Marcos at si Senator Camille Villar. Kulang din naman kasi ng dalawang kandidato yung 10 dahil as a voter tayong lahat ay binigyan tayo ng right to vote for 12 senators,” aniya.
Mga abogado ni VP Sara, kumpiyansa na maipapanalo ang impeachment case
Sa kabilang banda, buo naman ang tiwala ni Vice President Sara Duterte sa kaniyang legal team kaugnay ng kinahaharap niyang impeachment case.
Ayon sa kaniya, handang-handa ang kaniyang mga abogado at kumpiyansa silang mapapawalang-sala siya sa mga paratang laban sa kaniya.
“Nung pag-uwi ko galing The Hague ay nag-meeting kami dahil isa din ‘yun sa mga inaasikaso ko. At sinabi nila that they are more than confident in winning the impeachment trial — impeachment case.”
“Ang aking impeachment, sinasabi ng mga lawyers, they are more than confident na mananalo sila sa impeachment. Ako naman, I am most confident with the lawyers working on my impeachment case,” giit ng Bise Presidente.
Follow SMNI News on Rumble