Mga miyembro ng PH Army na tumulong sa search and rescue sa Myanmar, pinarangalan

Mga miyembro ng PH Army na tumulong sa search and rescue sa Myanmar, pinarangalan

MATAPOS ang malakas na lindol na yumanig sa Central Region ng Myanmar noong Marso 28, agad na tumugon ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapadala ng Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent para magsagawa ng humanitarian assistance at disaster response.

Halos dalawang linggo ang ginugol ng contingent sa paghanap ng mga survivor, pagbibigay ng medikal na suporta, at pagtulong sa mga naapektuhan ng lindol—na ikinasawi ng mahigit 3,000 katao, kabilang ang dalawang Pilipino.

Isa sa mga pangunahing yunit na naipadala ay ang 525th Combat Engineer “Forerunner” Battalion ng Combat Engineer Regiment ng Philippine Army. Kilala ang yunit na ito sa kanilang kakayahan sa high-risk rescue operations, lalo na sa mga lugar na labis ang pinsala.

Bilang pagkilala sa kanilang kabayanihan, isinagawa ang isang seremonya ng paggawad ng parangal sa Headquarters ng Philippine Army sa Fort Bonifacio, Taguig City, na pinangunahan mismo ni Army Commanding General Lt. Gen. Roy M. Galido Jr.

Ginawaran ng Meritorious Achievement Medal ang mga miyembro ng Philippine Army Urban Search and Rescue Team, na bahagi ng inter-agency contingent, dahil sa kanilang ipinakitang kagitingan, disiplina, at pagkakaisa sa harap ng matinding hamon.

Iginawad rin ni Lt. Gen. Galido ang CGPA’s Personal Coins bilang dagdag na pagkilala sa natatanging serbisyo at hindi matitinag na paninindigan ng mga sundalo sa kanilang sinumpaang tungkulin—magsilbi sa bayan saan mang panig ng mundo sila kailanganin.

“The CGPA recognized the team’s outstanding achievements reflecting their courage, discipline, and humanity under extreme conditions which brought honor not only to themselves and their unit but also to the entire Philippine Army,” wika ni Lt. Gen. Roy Galido Jr., Commanding General, Philippine Army.

Patunay ang matagumpay na misyon sa Myanmar na sa bawat panawagan ng pangangailangan, handa ang mga Pilipinong sundalo na maglingkod—hindi lang sa loob ng bansa, kundi maging sa pandaigdigang sakuna. Ang kanilang kontribusyon ay hindi lamang teknikal, kundi puspos ng malasakit at makataong layunin.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble