BUHAY na buhay ang gabi sa Malibay. ‘Di alintana ang init ng panahon o pagod, patuloy ang sigawan at palakpakan ng mga taga-suporta ni Yorme Wowee Manguerra, na kilala sa kaniyang matapang na paninindigan at malasakit sa kapwa Pasayenyo.
“Yorme! Yorme!”—iyan ang sigaw na paulit-ulit na umalingawngaw sa lansangan habang sinasalubong ng mga mamamayan ang plataporma ni Manguerra para sa pagbabago sa lungsod.
Sa kaniyang talumpati, ipinangako ni Yorme na kaniyang uunahin ang pagpapabuti ng serbisyo ng Pasay City General Hospital. Higit pa rito, magtatayo pa siya ng panibagong ospital na eksklusibo para sa mga mamamayan ng Pasay. At ang pinamaganda niyan—libre ang serbisyo dito.
“Magpapatayo tayo ng bagong ospital,” ani Coun. Editha “Wowee” Manguerra,
Mayoral Candidate, Pasay City.
Hindi rin nakaligtas sa kaniyang mga plano ang kasalukuyang lagay ng sektor ng edukasyon sa Pasay.
Binatikos ni Manguerra ang sitwasyon ngayon sa City University of Pasay (CUP), kung saan sinabi niya na may isang bilyong pisong pondo na nakalaan para dito, pero kapos pa rin sa maayos na pasilidad.
Nangako siyang aayusin ito, kasabay ng pagtiyak na mararanasan ng bawat estudyante ang dekalidad na edukasyon.
Maliban diyan, iginiit din ni Yorme Wowee ang patas na pamamahagi ng Christmas package para sa lahat ng Pasayenyo, at hindi lamang para sa piling pamilya.
Samantala, si Councilor at vice mayoral candidate Arvin “Bong” Tolentino ay nagpahayag ng kaniyang saloobin tungkol sa isyu ng OJT interns mula sa ibang bansa sa PCGH. Aniya, hindi isyu ang kanilang presensiya kundi ang kalidad ng serbisyong dapat ibigay sa mga Pasayenyo.
Nagpakilala rin ang iba pang kandidato ng Team Yorme tulad nina Onie Bayona, Ate Baby So, Hector Bongat, Danny Pantia, Ramon Yabut, Tiger Michael Gabriel, at Kap Richard Anderson. Lahat ay iisa ang sigaw: “Pagbabago sa Pasay, sa ilalim ng Team Yorme!”
Ang meeting de avance ay hindi lamang isang pagkakataon para magpahayag ng mga plataporma—isa itong patunay ng sama-samang pagkilos ng mga Pasayenyo para sa pagbabago. Ang mga sigaw ng suporta mula sa mga residente, lalo na sa mga kabataan, ay nagsisilbing gabay sa kinabukasan ng Pasay City.