TUMAAS ang bilang ng mga taxpayer na nagsipag-file sa huling araw ng kanilang 2024 annual income tax return (ITR).
Ang deadline para sa paghahain ng ITR ay itinakda noong April 15, 2025.
Ayon kay Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui, Jr., nakapagtala ang ahensiya ng 22.5 percent na pagtaas kumpara noong nakaraang taon.
‘’Well, naging maganda ang turnout nitong huling araw ng filing. And in fact even after ‘no, nakakita tayo ng pagtaas ng nag-file ng ITR simula noong January hanggang Abril ay tumaas po tayo,’’ ayon kay Romeo Lumagui, Jr. Commissioner, Bureau of Internal Revenue.
Sabi ni Lumagui, ang dahilan ng pagtaas ng filing ay ang mas pinaagang tax campaign kickoff na inumpisahan noon pang Pebrero.
Sa buwang ito, nakagawa na raw ang BIR ng kanilang annual tax awareness campaign kung saan tumulong ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, mga asosasyon, at mga pribadong sektor.
Dagdag ng komisyuner, nakatulong din ang pinadaling tax filing na ginawa nang online.
‘’Of course, mayroon pang nakikita tayong kaunting kailangang i-improve pero nakita natin na successful ang implementation ng online filing and payment kaya naman noong nag-ikot tayo noong araw na iyan ay walang masyadong pila, kakaunti talaga ang pila dahil lahat ay online na ginawa,’’ saad ni Lumagui, Jr.
Gayunman, may mga nakita pa ring last-minute filers ang BIR.
Sinabi ni Lumagui na wala na ring binigay na extension sa nasabing filing season. Kaya naman, kung naghain ang taxpayer ng kanyang ITR pagkatapos ng April 15 ay magkakaroon na raw ito ng penalties.
Samantala, tiniyak ng BIR commissioner na patuloy ang kanilang paghahabol sa mga illicit trader at malinaw na tax evaders.