BIR nagpaalala sa mga kandidato, political parties at party-list groups ukol sa tax obligations

BIR nagpaalala sa mga kandidato, political parties at party-list groups ukol sa tax obligations

SA nalalapit na pagtatapos ng campaign period, muling pinaalalahanan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga kandidato, political parties, at party-list groups kaugnay ng kanilang tax obligations.

Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., ang lahat ng tumatakbo sa eleksiyon ay kailangang nakarehistro sa BIR kung sila ay tumatanggap ng mga kontribusyon at gumagastos para sa kampanya.

“Kinakailangan na magrehistro iyan at kinakailangan nilang kapag nagbabayad sila sa kanilang mga suppliers ay kinakailangan nilang mag-withhold ng five percent doon sa kanilang mga suppliers,” ayon kay Romeo Lumagui Jr., Commissioner, BIR.

Pahayag ni Lumagui, kung sobra ang natanggap nila na mga kontribusyon ay kinakailangan nilang bayaran ang kaukulang income tax para rito.

Wala naman aniyang problema kung itatago ang sobrang donasyon basta’t bayaran ang karampatang buwis.

“Puwede nilang itago ‘no, wala namang problema diyan basta bayaran nila iyong income tax diyan dahil, again, ibabawas nila iyong kanilang natanggap, ibawas nila iyong mga nagastos nila at kinakailangang magbayad ng tax,” ani Lumagui.

Nagpaalala rin si Lumagui sa pag-apply ng mga non-VAT invoice dahil kinakailangan umanong mag-isyu ng resibo para sa lahat ng kontribusyon—cash man o in-kind—upang maging legal at transparent ang mga transaksiyon.

Pinaalalahanan din ang mga kandidato at partido na ilista ang lahat ng kanilang gastos at isumite ang mga ito sa Statement of Contributions and Expenditures sa COMELEC at BIR.

“Tapos doon naman sa mga expenses nila ay kinakailangan nilang ilista lahat iyan at isa-submit doon sa statement of contribution and expenditures sa COMELEC pati na rin dito sa aming ahensiya para makita natin na lahat pong complied ang kanilang obligasyon dito. And again, iyong kailangan nilang i-withhold na five percent doon sa mga suppliers,” aniya.

Binigyang-diin ni Lumagui na ang hindi pagsunod sa mga patakaran ay maaaring mauwi sa tax evasion na may kaakibat na kasong kriminal.

Dagdag pa niya, posibleng maharap sa diskwalipikasyon mula sa kandidatura ang mga lalabag sa campaign finance rules ng COMELEC.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble