Diumano’y privacy breach noong halalan iniimbestigahan; COMELEC, pinagpapaliwanag

Diumano’y privacy breach noong halalan iniimbestigahan; COMELEC, pinagpapaliwanag

NAGLUNSAD ng imbestigasyon ang National Privacy Commission (NPC) hinggil sa diumano’y privacy breach noong halalan.

Ayon kay NPC Deputy Privacy Commissioner Jose Bellarmino II, noong Mayo 12, araw ng eleksiyon ay nakatanggap ang ahensiya ng iba’t ibang complaints at reports sa kanilang Facebook account at email na [email protected] tungkol sa pagpo-post ng voter’s list sa mga publikong lugar sa hallway o ng eskuwelahan.

Kaya naman, ani Bellarmino, nagbukas sila ng sua sponte investigation.

“Ibig sabihin ho ng sua sponte investigation, on our own accord ng National Privacy Commission dahil sa mga reklamong ito at mga report, not necessarily complaints ay naglunsad tayo ng imbestigasyon,” ayon kay Jose Bellarmino II, Deputy Privacy Commissioner, National Privacy Commission.

Dagdag pa ng opisyal, kasalukuyan nilang inaalam ang buong pangyayari at nakapagpadala na sila ng kautusan sa Commission on Elections (COMELEC) upang kuhanin ang panig nito sa isyu.

Titingnan ng NPC ang lohika o batayan ng COMELEC sa naging hakbang nito sa panahon ng midterm elections.

“Ano nga ba iyong rationale sa kanilang paglalagay ng mga voters’ list sa public place. Ibig sabihin, kinakailangan ba iyon gawin ng COMELEC, instead of just the voters identifying their identities sa mismong loob po ng presinto. So, ito po ay titingnan natin kung tama po ba ang kanilang ginawa at ano iyong basehan ng kanilang ginawa,” dagdag nito.

Sa ilalim ng Data Privacy Act, binigyang-diin ni Bellarmino na may umiiral na tinatawag na “principle of proportionality and necessity.”

Sa ngayon, ani Bellarmino, hindi pa nila masasabing lumabag sa batas ang COMELEC, lalo’t patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon at hinihintay pa ang opisyal na tugon ng poll body hinggil sa inilabas nilang kautusan.

“Subalit ang tanong po ba, ano ba dapat ang pino-post sa voters’ list dapat ba na ipinost ang photo, kasama ang complete at ang kanilang mga address, ito ba ay kinakailangan upang ma-achieve iyong kanilang purpose? And ang purpose po nila diyan, I would surmise, is para po mapadali ang pag-verify at paghanap ng botante ng kaniyang pangalan, so kinakailangan po ba iyon”

“Ngayon po ay titingnan natin ang kanilang rasyonale as to why they did that during the midterm elections,” aniya pa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble