SISIMULAN na ang preparasyon sa pagsasaayos ng EDSA sa Hunyo 13 ngayong taon ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Babaguhin at papalitan ng mas matibay na semento ang EDSA at aayusin din ang mga drainage.
Ang mga sumusunod na lugar ay ang bahagi ng northbound: ito ay ang Roxas Blvd. patungong Star Mall Shaw Blvd, internal road mula inner lane hanggang outer lane.
Sa Quezon City/Caloocan boundary naman, magsisimula ito bago mag-EDSA cloverleaf patungong Monumento—inner at outer lane.
Habang sa southbound, magsisimula ito sa SM North hanggang Roxas Blvd. inner at outer lane.
Ang konstruksiyon ay magsisimula mula sa inner lane o bus lane papuntang outer lane. Sa bawat lane naman na gagawin ay ililipat ang mga concrete barrier ng kalahating metro mula sa working area.
Samantala, bilang paghahanda ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagbigat ng daloy ng trapiko sa EDSA sa pagsisimula ng proyekto, nakahanda naman ang ahensiya sa pagpapatupad ng mga hakbang na magpapagaan ng trapiko, maging sa pamamahala nito, hindi lamang sa EDSA kundi pati sa Mabuhay Lanes at mga alternatibong ruta.