BAGO mag alas-siyete kaninang umaga, dumating sa Manila RTC Branch 12 si Ex-Cong. Arnie Teves para sa pagbabasa ng sakdal ngayong araw.
Mahigpit ang naging seguridad ng NBI sa pagdadala kay Teves sa korte.
Nakasuot siya ng bulletproof vest at ballistic helmet.
Manila RTC, nagpasok ng not guilty plea para kay Arnie Teves sa kasong ilegal na pagmamay-ari ng armas at pampasabog
Sa arraignment, binasahan siya ng sakdal para sa kasong illegal possession of explosives at illegal possession of firearms.
Naharap si Teves sa mga nasabing kaso matapos ang isinagawang raid ng mga awtoridad sa kaniyang bahay sa Bayawan, Negros Oriental.
Ang Manila RTC Branch 12 ang nagpasok ng not guilty plea sa arraignment ni Ex-Cong. Arnie Teves Jr. para sa kaniyang mga naturang kaso.
Ito ay matapos piliin ni Teves na huwag magsalita o magpasok ng plea sa mga ibinasang sakdal sa kaniya ng korte.
Pagkatapos ng arraignment, sinundan ito ng pre-trial at pagmamarka ng mga ebidensiya ng prosekusyon at depensa.
Mayroon na ring schedule ng mga susunod na trial simula Hulyo 29, 2025 hanggang sa taong 2027.
Pagkatapos ng arraignment, ibinalik si Teves sa National Detention Facility sa BuCor, Muntinlupa City.
Hindi muna susundin ng NBI ang commitment order ng korte na ilipat siya sa Manila City dahil sa mosyon na maconsolidate ang kaniyang mga kaso.
Nahaharap si Teves sa 10 counts ng murder, 13 counts ng frustrated murder, at four counts of attempted murder sa Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 51 para sa Degamo Murder Case.
Nahaharap naman siya sa kasong murder sa Manila RTC Branches 12 at 15, at sa RTC Branch 63 sa Bayawan, Negros Oriental para sa 2019 Murder Case kung saan nag-not guilty plea na dito si Teves.
Mayroon din siyang kasong illegal possession of firearms and explosives sa Manila RTC Branch 12, at terrorism case na isinampa sa Quezon City RTC Branch 77.
May mosyon ang kampo ni Teves na manatili ang dating kongresista sa NBI Detention Facility para sa seguridad, pero hindi pa ito napag-usapan sa korte.
Walang nagpainterview na mga abogado nito sa korte kanina.
Kung gaano kahigpit ang seguridad ni Teves sa pagpasok sa korte, gayundin ang sa paglabas.
Pagtanggi ni Arnie Teves sa plea, ipinaliwanag ng kaniyang abogado
Sa isang Zoom interview, nagpaliwanag si Topacio kung bakit tumanggi si Teves na magpasok ng plea.
Ayon kay Topacio, may legal complications sa pagkakahuli kay Teves sa Timor-Leste.
Ayon pa sa abogado, hindi pwedeng maconsolidate ang lahat ng kaso ni Teves dahil iba-ibang insidente o pangyayari ang binabangit.
Nilinaw naman ng kampo ni Teves na susunod sila sakaling iutos ng korte ang physical presence ni Teves sa susunod na mga paglilitis.
Ito ay kahit pa ang gusto ng kampo nila ay video conferencing para sa seguridad ng dating kongresista.
Legal counsel ni Teves: Maayos ang lagay ni Arnie Teves pagkatapos ng arraignment
Sinabi naman ni Topacio na in good spirit si Teves pagkatapos ng arraignment.