BASE sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umakyat sa 4.1% ang unemployment rate sa bansa—mas mataas kaysa sa 3.9% noong Marso at 4.0% noong Abril ng nakaraang taon.
Katumbas ito ng humigit-kumulang 2.06 million na walang trabaho, bahagyang mas mataas kumpara sa 2.04 million noong parehong buwan ng 2024.
Bukod rito, tumaas din ang underemployment rate o ang bilang ng mga manggagawang naghahanap pa ng karagdagang kita. Mula 13.4% noong Marso, pumalo ito sa 14.6% ngayong Abril—kapareho ng antas noong nakaraang taon.
Aabot sa 7.09 million ang mga underemployed, o mga manggagawang nais ng karagdagang oras sa kasalukuyang trabaho, panibagong trabaho, o mas mahabang oras ng trabaho.
Samantala, bumaba naman sa 95.9% ang employment rate sa bansa. Mas mababa ito kumpara sa 96.1% noong Marso at 96.0% noong Abril ng nakaraang taon. Tinatayang nasa 48.67 milyon ang mga Pilipinong may trabaho ngayong Abril.
Ang Labor Force Participation Rate naman ay naitala sa 63.7%— mas mataas kaysa noong Marso na 62.9% ngunit mas mababa kumpara sa 64.1% noong Abril 2024.
Patuloy na binabantayan ng pamahalaan ang galaw ng labor market para makabuo ng mga hakbang na tutugon sa mga hamon ng kawalan ng trabaho at kakulangan sa oportunidad sa bansa.