BABASAHAN na ng sakdal si dating Cong. Arnie Teves Jr. sa darating na Hunyo 10, sa Manila Regional Trial Court Branch 51 kaugnay ng Degamo murder case.
Nahaharap si Teves sa 10 bilang ng murder, 13 bilang ng frustrated murder, at apat na bilang ng attempted murder kaugnay ng pagpatay kay dating Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa noong Marso 4, 2023.
Itinakda ang arraignment sa ganap na alas-dos ng hapon at ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), isasagawa ito sa pamamagitan ng Zoom hearing.
Noong Huwebes ng umaga, una nang iniharap si Teves sa Manila RTC Branch 12 para naman sa kasong ilegal na pagmamay-ari ng mga baril at pampasabog.
Pinili niyang manahimik at huwag magpasok ng plea, kaya’t ang korte na mismo ang nagpasok ng not guilty plea para sa kaniya.
Bukod rito, nahaharap pa si Teves sa magkakahiwalay na kasong murder sa Manila RTC Branches 12 at 15, at sa RTC Branch 63 sa Bayawan, Negros Oriental.
Mayroon ding kasong may kinalaman sa terorismo na isinampa laban sa kanya sa Quezon City RTC Branch 77.