Pilipinong estudyante nagtapos bilang magna cum laude sa Harvard University

Pilipinong estudyante nagtapos bilang magna cum laude sa Harvard University

ISA na namang nakaka-proud na Pinoy achievement dahil nagtapos ng magna cum laude sa Harvard University ang 22 taong gulang na si Eion Nikolai Chua, tubong Taguig.

Bago pumasok si Chua sa Harvard noong 2021, dati na siyang estudyante ng International School Manila at MGC New Life Christian Academy.

Bilang bahagi ng Class of 2025, kasama si Chua sa mahigit 9,000 nagtapos sa 374th commencement ceremony ng Harvard noong Mayo 29.

Sa ngayon, double degree holder na si Chua dahil natapos niya ang Bachelor’s in Economics at Concurrent Master’s in Chemistry sa Chemical Biology—isang bihirang tagumpay na nakamit niya sa loob lamang ng apat na taon.

Hindi lamang sa academics nagningning si Chua dahil habang nasa Harvard University, naging presidente siya ng Chemistry Club nito, naging teaching assistant, at research intern sa kompanyang D&L Industries. Siya rin ay naging research fellow sa Harvard Program for Research in Science and Engineering.

Dalawang beses ding pinarangalan si Chua bilang John Harvard Scholar at itinataguyod siya ng kaniyang pagkakabilang sa Phi Beta Kappa Honor Society, ang pinakamatandang academic honor society sa Amerika.

Ang tagumpay ni Eion Nikolai Chua ay hindi lamang karangalan para sa kaniyang pamilya kundi isang inspirasyon para sa mga kabataang Pilipino—patunay na sa sipag, talino, at dedikasyon, kayang makipagsabayan ng mga Pinoy sa pinakamahuhusay sa buong mundo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble