INILUNSAD ng Quezon City Government ang solar e-vehicle charging network na makatutulong hindi lang sa mga electronic vehicle pati na rin sa kapaligiran.
Pinasinayaan kahapon ang mga bagong solar electric vehicle charging network na matatagpuan sa UP Diliman electrical and electronics engineering institute.
Ito ay sa pakikipagtulungan ng Lokal na Pamahalaan ng Lungsod Quezon, Department of Energy, Department of Science and Technology at University of the Philippines Diliman.
Ang nasabing launching ay pinangunahan nina Gen. Elmo San Diego, head ng QC Department of Public Order and Safety kasama sina Dir. Patrick Aquino ng DOE, Dr. Enrico Paringit ng DOST at Dr. Aleli Bawagan, UP Diliman Vice Chancellor for Community Affairs upang pasinayaan ang mga naturang charging station.
Kasabay nito, pinasinayaan din ang mga bagong charging stations sa Barangay Payatas Environmental Building sa pangunguna ni Kap. Manny Guarin at DPOS building sa QC Hall.
Layon ng proyekto na magkaroon sapat na charging stations at suportahan ang inisyatibo ng Lungsod Quezon sa pagpapalawig ng green at sustainable transportation tulad ng paggamit ng mga electronic tricycles, e-bikes, e-scooters at iba pang electronic vehicles.
Pagpapabilis ng pagpoproseso ng mga kaso ng karahasan sa QC, pinalawig
Samantala, inilunsad din ng pamahalaan ng Quezon City ang kauna-unahang unified database ng mga kaso ng kaharasan laban sa kababaihan at mga bata.
Ito ay upang masubaybayan at mapabilis ang pagproseso ng mga kaso ng karahasan sa lungsod.
Nasa halos 142 barangay sa lungsod kabilang na rin ang mga istasyon ng pulisya at GAD Council na gagamit sa nasabing QC Gender and Development Integrated Management Information System o “QC VAW Centralized Databank System.”
Sa datos ni QC Police District Director Gen. Antonio Yarra noong Setyembre 2021, nasa 66.67% na pagtaas sa mga kaso ng violence against women and children at 21.54% naman ang pagtaas sa mga kaso ng panggagahasa sa unang walong buwan ng taon.
Karamihan aniya sa mga naitalang kaso ay pisikal na pang-aabuso at psychological abuse.
Napansin din na malaki ang papel ng pandemya sa pagtaas ng takbo ng mga kaso ng violence against women and children.
Dahil rito, inatasan ni Mayor Belmonte ang QCPD, QC Protection Center, at Gender and Development office na subaybayan at kumilos nang mabilis sa mga tawag at ulat na may kinalaman sa VAWC at iba pang mga insidenteng nakabatay sa kasarian.