MAGKAKAROON ng pagbabago sa singil sa tubig simula Hulyo 2025, ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulatory Office (MWSS RO).
Mahigit isang libong piso ang buwanang bill sa tubig ng pamilya ni Jaylord Quiño.
Malaki aniya ito para sa kanila lalo na’t maliit lamang ang kinikita niya sa pagbebenta ng pritong manok.
“Maraming kailangan sa pagtitinda ng manok sa mga ingredient niya tapos ang kilo sa manok tumaas taas. Sa isang araw kapag tuloy-tuloy ang tinda namin nasa P4,000 pero ang malinis doon ay P1,000 lang mahigit,” wika ni Jaylord Quiño, Konsyumer.
Higpit pa ng sinturon ang kailangan ni Jaylord —epektibo kasi simula sa Hulyo ang dagdag-singil sa tubig ng Maynilad sa kanilang mga konsyumer.
Ito ay matapos aprubahan ng MWSS RO ang panibagong dagdag-singil ng nasabing konsesyonaryo.
“Mahalaga talaga ‘yung bawat centavo sa atin pero wala tayong magagawa. Diskarte na lang kung paano gumamit ng tubig gaya ng pag-igib, panghugas, pangligo, tipid-tipid na lang ba,” ayon kay Jaylord Quiño, Konsyumer.
Paliwanag ng MWSS RO, inaprubahan nila ang Foreign Currency Deposit Adjustments (FCDA) o tariff adjustments ng Maynilad.
Kapag humina anila kasi ang piso laban sa dolyar o ibang currency na ginamit sa pautang ng mga kompanya, kailangan nilang magdagdag ng kaunting singil para ma-recover ang foreign‑exchange losses.
Ito ay isang quarterly pass‑through mechanism na naka-base sa pagbabago sa exchange rate.
Halimbawa rito, kapag humina ang piso laban sa dolyar o ibang currency na ginamit sa pautang ng mga kompanya ay kailangan nilang magdagdag ng kaunting singil para ma-recover ang foreign‑exchange losses.
“Itong mekanismo ay is to ensure na matapos nila ‘yung proyekto at madeliver nila ang mga tapat na serbisyo sa ating mga konsyumer,” saad ni Atty. Patrick Ty, Chief Regulator, MWSS RO.
Samantala, may rollback naman sa water billing ang Manila Water para sa kanilang mga konsyumer sa kaparehong buwan.
May bawas na P0.55–P2.45 ang Manila Water sa mga kanilang mga konsyumer na kumokunsumo ng 10–30 cubic meters kada buwan.
“Iba-iba ang proyekto nila, iba-iba ang rollout nila at iba-iba ang desisyon nila. Kung kukuha ba sila ng Japanese denominated loans, euro denominated loans or dollar denominated loans. Ang Maynilad mas marami silang Japanese denominated loans kaysa sa Manila Water. Ang Manila Water ay mas marami pong dollar denominated loans,” dagdag ni Ty.
Sa ngayon, hindi pa masabi ng MWSS RO kung may dagdag o bawas-singil pa rin sa ikaapat na quarter ng taon.