GINAGAMIT na ng mahigit 800 (814) na mga paaralan sa buong bansa nitong Lunes, Hunyo 16, 2025 ang bagong senior high school (SHS) curriculum.
Ang pilot phase na ito ay unang hakbang sa repormang isasagawa sa K to 12 program ng Department of Education (DepEd).
Ayon sa DepEd, sa susunod na taon ay target nang ipatupad ang revised SHS curriculum sa lahat ng paaralan sa bansa.
Sa ilalim ng bagong programa, pipili na lamang ang mga estudyante sa pagitan ng dalawang strand—ang academic track at ang technical-vocational track.
Mula sa kasalukuyang apat na strand, dalawa na lang ang pagpipilian, at mula sa 15 core subjects ay magiging lima na lamang ito.
Kabilang sa mga ituturo ay ang: effective communication, general mathematics, general science, life and career skills, at study of history and Philippine society.