Sugatang mga rebelde, sinagip ng militar sa Zamboanga del Norte

SINAGIP ng tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga rebelde na miyembro ng komunistang teroristang grupo na inabandona ng kanilang mga kasama sa Zamboanga del Norte.

Ito’y matapos ang nangyaring sagupaan sa pagitan ng komunistang teroristang grupo at militar sa sa Barangay Nazareth, Sergio Osmeña Sr. ng nasabing probinsiya noong Disyembre 17, 2021.

Ayon kay Lt. Gen. Alfredo Rosario, Jr., Commander ng  Kanlurang Mindanao Command, habang nagsasagawa ng combat operations ang pinagsamang elemento ng 97th at 42nd Infantry Battalion ay nakasagupa ng mga ito ang mahigit kumulang na 15 armadong mga lalaking pinaniniwalaang miyembro ng Guerilla Front BBC, Western Mindanao Regional Party Committee (WMRPC).

Matinding palitan ng putukan ang naganap sa pagitan ng mga rebelde at kasundaluhan na tumagal ng humigit-kumulang 10 minuto bago umatras ang mga kalaban.

Habang tinutugis ang mga tumatakas na mga rebelde, nahuli ng mga operating troop ang isang lalaki at dalawang babaeng militante.

rebelde sa Zamboanga

Kinilala ang mga nahuli na sina Antonia Morato, a.k.a. Celing/Olay, 57-taong gulang, Platoon Medic at Miyembro ng Team Baking Squad 2; Villamor Galleon, a.k.a. Badong/Loloy, 64- taong gulang, miyembro ng Team Abe ng Squad 2;  at Rosalinda T. Saberon, a.k.a. Nida/Meddy, 53- taong gulang, miyembro ng Team Baking Squad 1, lahat ay Guerilla Front BBC.

Sinabi naman Brig. Gen. Leonel Nicolas, Commander ng 102nd Infantry Brigade, dalawa sa tatlong nadakip na personalidad ang bahagyang nasugatan at iniwan ng mga tumakas na kasamahan.

“Inilikas sina Celing at Loloy sa Zamboanga del Norte Medical Center sa Barangay Sicayab, Dipolog City para magpagamot,” pahayag ni Nicolas.

Samantala, habang kini-clearing ang encounter site, narekober ng tropa ang apat na cellular phones, samu’t saring pagkain, medical paraphernalia, 11 bala ng cal .45, isang solar panel battery, dalawang cellular phone batteries at charger, propaganda materials, at personal na gamit ng CTG.

Mula noong Enero 2021, na-neutralize ng Joint Task Force ZamPeLan ang kabuuang 119 na miyembro ng CTG sa Zamboanga Peninsula at Lanao provinces.  Sa 119, anim ang napatay, 100 ang sumuko, at 13 ang nahuli.

“Tinatanggap namin ang suporta ng mga tao sa aming kampanya laban sa terorismo sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga nakakita ng mga miyembro ng teroristang grupo sa kanilang komunidad.  At saka, walang natural o man-made calamity ang makakapigil sa ating mga sundalo sa kanilang sinumpaang tungkulin na protektahan ang bayan at ang estado,” pahayag ni Maj. Gen. Generoso Ponio, Commander of Joint Task Force ZamPeLan.

Maliban sa accomplishments ng AFP laban sa insurhensiya, ay pinuri din ng  mga ito ang kanilang pagtalima sa International Humanitarian Law.

SMNI NEWS