TULUYAN nang inalis ng MMDA sa 96 na interseksiyon sa Metro Manila ang mga nakasanayang traffic lights na may countdown timer.
Pinalitan na ito ng sensor-based traffic lights na awtomatikong natutukoy kung aling linya ng kalsada ang may mas maraming sasakyan at batay rito, pinapahintulutan o pinapahinto ang daloy ng trapiko.
Nilinaw rin ng MMDA na hindi kasama sa bagong sistema ang mga traffic lights na nasa ilalim ng pamahalaang lokal.
“Nare-reduce niya ‘yung delay, congestion and idling time as compared sa fixed time traffic signal na fixed ‘yung oras niya, whether or not na may dumadaan na 2 minuto mo ‘yan inilagay na magre-red, ay 2 minuto siya all throughout kahit wala nang dumadaan,” wika ni Romando Artes, Chairman, MMDA.
Sa kabila ng proyektong ito ng MMDA, nagdulot naman ito ng kalituhan sa ilang motorista—kabilang na si taxi driver Archie Nayre.
“‘Yung umpisa ay nakakahilo kasi walang lumabas na blinker na orange o dilaw niya… Kapag bago ka lang ay hindi mo ma-ge-gets, masasanay din,” ayon kay Archie Nayre, Taxi Driver.
Paliwanag ng MMDA, malinaw naman ang sistema: limang beses muna magbi-blink ang green light, kasunod ang 3 segundong yellow light, bago ito tuluyang mag-red.
Ayon kay MMDA Chair Artes, bahagi ito ng adaptive signaling system na tumutugon sa real-time traffic at sumusunod sa international standards—gaya ng ginagamit sa Singapore, Vietnam, at Cyprus.
Layunin ng MMDA na maiwasan ang mga aksidente, lalo na ang mga insidenteng sanhi ng mga motorista na humahabol pa sa yellow light. Katulad ng makikita sa isang video na ipinadala ng MMDA, nabangga ang isang sasakyang hindi nakaabot sa green light.
“May ibang intersections na minsan ay nag-adjust na ‘yung traffic lights, hindi sumabay ‘yung timer. So, talagang tumatalon ‘yung oras, inconsistent na talaga siya,” dagdag ni Artes.
Sa susunod na taon, target ng MMDA na gawing sensor-based na rin ang lahat ng kanilang CCTV camera. Sa ngayon, hinihintay pa ng ahensya ang pondong kakailanganin para sa taong 2026.
Ilang kalye na malapit sa mga kilalang eskwelahan, kinabitan na ng NCAP cameras ng MMDA
Samantala, pinulong ni Chairman Artes ang mga opisyal ng kilalang eskwelahan sa EDSA-Ortigas at Katipunan, Quezon City.
Sabi niya, kinabitan na ng CCTV camera ang mga kalye sa paligid ng mga paaralang ito bilang bahagi ng pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).
Giit ni Artes, kadalasang problema ang mga sasakyang iligal na nakaparada sa mga pangunahing kalsada.
“Ire-refine lang namin ‘yung rules kasi bawal naman talaga pumarada diyan sa mga major thoroughfares… Baka magkaroon lang kami ng adjustments… kailangan naming ayusin ‘yung regulations,” ani Artes.
Malaking abala sa daloy ng trapiko ang dulot ng mga sasakyang nakaharang sa mga pasukan ng eskwelahan.
Sa susunod na linggo, muling makikipagpulong si Chairman Artes sa mga kinauukulan upang isapinal ang mga panuntunang dapat sundin ng bawat paaralan.