SANGKATERBANG basura ang hinakot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) mula sa Quiapo Pumping Station sa Maynila.
Sa tala ng Flood Control and Sewerage Management Office ng MMDA, mahigit 21 tonelada ng halo-halong basura ang nakolekta sa pumping station at sa mga katabing daluyan ng tubig.
Ginamitan ito ng payloader, garbage rakes, at mga dump truck para mas mapabilis ang paglilinis sa lugar.
Ayon sa ahensiya, kritikal na agad maalis ang mga basurang nakabara upang mapanatili ang kapasidad ng pumping station sa pagbomba ng tubig, lalo na sa panahon ng malakas na ulan.
Kapag barado ang mga daluyan, posibleng magdulot ito ng mabilis na pagbaha sa mga mabababang lugar.
Dahil dito, muling nanawagan ang MMDA sa publiko: iwasan ang pagtatapon ng basura sa estero, kanal, at lansangan. Hindi lang ito nakasasama sa kalikasan kundi nagdudulot din ng abala at panganib sa buong komunidad.
Patuloy rin ang ginagawang clearing operations ng MMDA sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila bilang suporta sa mga lokal na pamahalaan sa paghahakot ng tambak na basura.