Mga residente sa isang sitio sa Baybay, Leyte, sapilitang pinalikas dahil sa banta ng landslide

Mga residente sa isang sitio sa Baybay, Leyte, sapilitang pinalikas dahil sa banta ng landslide

NAGPATUPAD na ng forced evacuation ang lokal na pamahalaan ng Baybay sa ilang residente sa Sitio Pamotosan na nangangambang maapektuhan ng posibleng landslide.

Alas 8:00 ng gabi kahapon nang maalarma ang mga residente ng Sitio Pamotosan sa Brgy. Makinhas sa Babay, Leyte.

Pwersahan kasi silang pinalikas ng Baybay LGU bilang pag-iingat sa posibleng landslide matapos nakita ang isang malaking crack sa taas na parte ng Sitio Pamotosan.

Batay sa assessment ng Mines and Geosciences Bureau (MGB), delikadong tirhan ang nasabing lugar.

Kaya agad nagpatupad ng force evacuation ang Baybay LGU sa mga residente sa lugar.

“Na-inspection kanina sa MGB, may mga crack na sa itaas sa bundok tapos galing sila sa meeting ni Mayor sa lungsod sa Baybay. Ngayong gabi dumating naman ‘yung incharge sa disaster, sabi niya na ito na lugar mag-forced evacuate ang mga tao dito kasi kung umulan baka daw mag-landslide,” ayon kay Barangay Captain Miguel Tapayan, Jr. ng Barangay Makinhas.

Nasa anim na pamilya ang apektado sa nasabing lugar o higit limampung indibidwal.

Kanya-kanya nang impake ang bawat pamilya ng kanilang mga kakailanganin tulad ng damit, pagkain at iba pang kagamitan.

Pero wala pang nangyayaring landslide, wasak na ang ilang bahagi ng mga bahay rito matapos nanalasa si Bagyong Agaton nakaraang linggo.

Isa ang pamilya ni Arlene Tripoli Raniola, ang lumisan mula sa nasabing lugar.

Masakit man para sa kanya na lisanin ang bahay na kaniya nang kinalakihan, mas mahalaga pa rin aniya ang buhay ng kaniyang pamilya.

“Dile ko kahibawo kung asa nami ug pananglitan pugson jud mi. Pero mas okay na lang pud na kay labi pa among kinabuhi pud, mas importante ang kinabuhi kaysa sa kabtangan, balay. Pwede pa man ta maghimo ug laing balay. Ang importante kanang kinabuhi. Parehas anang nahitabo sa laing lugar. Naa pud mi loved ones nga nawala pud. Katong didto sa laing mga lugar, naa mi mga loved ones adto. Sakit sa dughan [Hindi ko alam kung san na kami kung sakaling pipilitin talaga kami. Pero mas okay na lang din ‘yan dahil mas mahalaga din ang buhay namin kaysa sa mga kagamitan, bahay. Pwede pa naman tayo makagawa ng ibang bahay. Ang importante ang buhay. Katulad sa nangyari sa ibang lugar meron din kaming mahal sa buhay na nawala rin. Dun din banda sa ibang lugar meron din kaming mga loves ones doon. Ang sakit sa dibdib],” ayon kay Aling Arlene.

Nangangamba naman si Aling Amalia Tobese, isa ring residente, dahil palaisipan para sa kaniya at ng kaniyang asawa kung saan sila lilipat kung tuluyan na silang pagbawalan na tumira sa lugar.

“Nabalaka kay daghan pud mi dire, mga pamilya. Unya pagkahuman tua nami didto, unya naanad gud mi dire.  Kausik sa among balay kung maanas na, malumpagan. Unya asa nami padulong ani? [Nag-aaalala dahil marami din kami dito mga pamilya. Tapos nandun na kami tapos nasanay na kami dito. Sayang ang bahay namin kung masisira ‘yan, babagsak. Saan na kami nito pupunta?] ani Aling Amalia.

Pansamantala munang titira ang mga apektadong pamilya sa kanilang mga kaanak sa ibang sitio ng Barangay Makinhas.

Batay sa datos ng Baybay LGU, 123 na ang namatay habang 66 pa ang pinaghahanap.