INAASAHANG gugulong na ngayong alas 9:00 ng umaga ang imbestigasyon ng Senado sa overpriced at outdated na mga laptops ng Department of Education (DepEd).
Ang imbestigasyon na pangungunahan ni Senador Francis Tolentino, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, ay batay sa proposed Senate Resolution Number 120 at 134.
Sa nasabing resolusyon ay hinihikayat nito ang Senado na usisain ang ginawang pagbili ng DepEd ng overpriced at outdated laptops na ginamit ng mga guro para sa distance learning ngayong panahon ng pandemya.
Matatandaan na una nang naiulat na ang nasabing pagbili ay idinaan din sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) na unang nauugnay sa pagbili ng mga umano’y overpriced na pandemic supplies ng Department of Health (DOH).
Ang pagbili ng umano’y overpriced at outdated na mga laptops ay una nang pinuna ng Commission on Audit (COA).
Ayon sa COA report, 68,500 ang target beneficiary para sa nasabing programa ngunit dahil sa sobrang mahal ay 39,583 na lamang ang nabilhan.
Kabilang naman sa imbitado sa imbestigasyon ay si dating Education Secretary Leonor Briones at dating PS-FBM head Lloyd Cristoph+er Lao.
Si Briones ay imbitado dahil ang nasabing pagbili ng mga overpriced na laptops ay nangyari sa kanyang termino o sa nakaraang administrasyon.
BASAHIN: DepEd, suportado ang gagawing imbestigasyon ng Kongreso ukol sa biniling P2.4-B halaga ng laptops